Advertisers
By Anne Venancio
Isang magandang eksena ang nasaksihan sa taping ng ‘My Bespren Emman’ noong Hulyo 1 matapos magkabati sina Ai-Ai delas Alas at Rosanna Roces, na halos 25 taon ding hindi nagpansinan.
Ayon kay Ai-Ai, si Rosanna mismo ang lumapit at pumasok sa kanyang tent. Doon nagsimula ang isang masayang usapan na nauwi sa tawanan, yakapan, at tuluyang pag-ayos ng kanilang matagal nang hidwaan.
Ikinuwento ng Comedy Queen na nagkumustahan sila tungkol sa kani-kanilang buhay, lovelife, mga anak, at maging sa kanilang mga alagang hayop. Napag-usapan pa nila ang alagang baboy ni Rosanna na si Hebron at ang pet dog ni Ai-Ai na si Sailor.
“Na-miss ko siya. Simula nang pumasok siya sa tent hanggang sa lumabas siya, tawa lang kami nang tawa,” pagbabahagi ni Ai-Ai.
Matatandaang naging matalik na magkaibigan ang dalawa noong magkasama sila sa sitcom na 1 For 3 kasama si Vic Sotto ngunit nasira dahil sa isang kontrobersyang nangyari noong kasagsagan ng kanilang career.
Noong 2024, inamin ni Osang na matagal na niyang pinanghihinayangan ang pagkawala ng kanilang pagkakaibigan na nagsimula dahil sa hindi pagkakaunawaan kaugnay ng isang concert poster sa Dagupan.
At sa kanilang pagkikita sa set ng ‘My Bespren Emman,’ patunay na sa tamang panahon, may mga sugat na talagang kayang paghilumin ng pagpapatawad.