Advertisers

Advertisers

EBIDENSYA, ILALATAG NA SA IMPEACHMENT TRIAL

0 3

Advertisers

Malugod na tinanggap ni House Lead Prosecutor Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas nitong Lunes ang unang araw ng impeachment trial sa Senado, at sinabing ipinakita ng pagdinig na umuusad na ang proseso ng pananagutan alinsunod sa Konstitusyon.
Sa isang press conference matapos ang unang araw ng paglilitis, sinabi ni Luistro, “Sa wakas, sa ating impeachment trial, nais naming ipahayag ang aming pagpupugay sa impeachment court dahil tumugon ito sa mandato ng Konstitusyon.”
Ayon kay Luistro, mahalaga ang pagbubukas ng paglilitis dahil nagsimula na ang mekanismong itinatadhana ng Konstitusyon upang mapanagot ang mga opisyal ng pamahalaan.
“Isa itong tagumpay para sa sambayanang Pilipino dahil umiiral na ang mekanismo ng pananagutan at sinusunod ang Konstitusyon,” aniya.
Sinabi rin niya na naihayag na ng magkabilang panig ang kani-kanilang opening statement at natalakay ang mga usaping lumitaw sa isinagawang pre-trial conference.
“Ngayon ay naipresenta na ang opening statements ng prosekusyon at depensa, at natugunan din ang mga isyung tinalakay sa pre-trial conference,” ani Luistro.
Inihayag din niya na sa Martes ay sisimulan na ang presentasyon ng mga ebidensya.
“At bukas, sa wakas, sisimulan na natin ang presentasyon ng ebidensya,” dagdag niya.
Binanggit din ni Luistro na kinilala ng impeachment court ang mungkahing pagkakasunod-sunod ng prosekusyon sa pagtalakay sa mga Articles of Impeachment.
Sa ilalim ng mungkahing ito, unang ihaharap ng prosekusyon ang ebidensya kaugnay ng alegasyon ng mga pagbabanta (threats).
“Bukas ay sisimulan natin ang presentasyon ng ebidensya para sa unang artikulong tatalakayin, at ito ay tungkol sa pagbabanta,” ani Luistro.