Advertisers

Advertisers

VP Duterte, may 16-kataong legal team para sa impeachment trial

0 6

Advertisers

NASA 16-member na legal team ang kakatawan kay Vice President Sara Duterte sa kaniyang impeachment trial na sinimulan nitong Lunes, Hulyo 6.

Nabatid na pawang pribadong abogado ang bumubuo sa depensa ng Bise Presidente, hindi tulad ng prosecution panel na kinabibilangan ng mga mambabatas at private prosecutors.

Karamihan sa mga abogado ay konektado sa Fortun, Narvasa & Salazar Law Office.



Pinangungunahan ang legal team ni Atty. Sheila Sison, na may 12 taong karanasan sa propesyon.

Kasama rin bilang tagapagsalita ng depensa si Atty. Michael Poa, dating opisyal ng Department of Education at Office of the Vice President.



Kabilang din sa koponan sina Atty. Gregorio Narvasa II at Atty. Philip Sigfrid Fortun na may mahigit 40 taon na karanasan sa batas at itinuturing na pinaka-beterano sa kanilang grupo.

Si Narvasa ay anak ng dating Chief Justice Andres Narvasa, na naging abogado rin noon ni dating Pangulong Joseph Estrada sa kaniyang impeachment trial noong 2001.



Si Fortun naman ay kilala sa paghawak ng ilang high-profile cases, kabilang ang Kuratong Baleleng case ni Senador Ping Lacson at graft case ni Senador JV Ejercito.

Ang iba pang miyembro ng defense team ay binubuo ng mga batang abogado na may mas mababa sa sampung taong karanasan sa pag-aabogasya.

Sinabi ni Atty. Poa, sinimulan ni VP Sara ang pagbuo ng kaniyang legal defense noong 2023 pa lamang, kahit bago pa man maisampa ang impeachment complaint.

Aniya, matagal na umanong inaasahan ng Bise Presidente na posibleng humantong sa impeachment trial ang mga ibinibintang sa kaniya, kaya maaga itong naghanda ng legal team.