Advertisers

Advertisers

LUNA: ‘WAG IPAGKAIT ANG CONSTITUTIONAL DUTY NINA MARCOLETA AT ESTRADA!

0 2

Advertisers

Nanawagan ang dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Atty. Manuelito “Manny” Luna sa Senado na payagan sina Senador Rodante Marcoleta at Senador Jinggoy Estrada na makadalo sa impeachment proceedings, iginiit na wala pang pinal na hatol laban sa dalawa at may tungkulin silang gampanan bilang mga halal na mambabatas.
Sa Kapihan sa Partido Demokratiko Pilipino (PDP) nitong Miyerkules, Hulyo 15, sinabi ni Luna na mahalagang makalahok ang dalawang senador sa pagdinig dahil mayroon silang constitutional duty bilang mga miyembro ng Senado na hahawak sa impeachment trial.
“Maganda sanang nakadalo sa hearing ng impeachment sina Marcoleta at Estrada dahil hindi pa naman sila proven guilty. May constitutional duty silang gampanan para sa taumbayan,” ani Luna.
Kasama ni Luna sa kapihan sina Atty. Yvette Contacto, Atty. Astra Pimentel-Naix, Ms. Cathy Binag, at Ms. Penny Belmonte.
Nanawagan din si Luna sa lahat ng senador na maglabas ng kaukulang kautusan upang pahintulutan ang dalawang senador na dumalo sa mga pagdinig at maisakatuparan ang kanilang mandato.
Pinuna rin niya ang umano’y naging paraan ng paghahanda sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte. Ayon kay Luna, maraming isyung lumutang sa reklamo na tinawag lamang na “typographical errors,” ngunit para sa kanya ay nagpapakita ito ng pagmamadali at kakulangan sa masusing pag-aaral.
“Maraming sinasabing typo errors. Ipinapakita lamang nito na minadali ang dokumento at hindi pinag-aralang mabuti bago inihain,” aniya.
Iginiit pa ni Luna na sa impeachment proceedings ay hindi maaaring basta na lamang magpakilala ng mga bagong alegasyon o ebidensiya na wala sa inihain, kabilang na ang mga usaping may kaugnayan sa umano’y “hitman,” dahil kinakailangang nakabatay lamang ang paglilitis sa mga artikulo ng impeachment.
Samantala, hinamon naman ni Ms. Cathy Binag ang mga nagsusulong ng impeachment na payagang makalahok sina Marcoleta at Estrada kung wala silang itinatagong motibong pampulitika.
“Kung hindi politika ang motibo ninyo, hayaan ninyong dumalo sina Marcoleta at Estrada. Kung ayaw ninyo, bakit? Huwag kayong maging duwag,” pahayag ni Binag.
Ayon pa kay Binag, hindi na maaaring ipaliwanag ang mga pagkakamali sa impeachment complaint bilang simpleng “typographical errors” lamang.
“Hindi na ito typo error. Nagpapakita ito ng bias. Minadali ang proseso para lamang may mapagbigyan. Parang may nagdidikta kaya nagkakamali-kamali,” aniya.
Sinabi rin ni Luna na para sa kanya ay “dead in the water” na ang impeachment case dahil ang isang pagkakamali umano ay nagbubunga ng iba pang depekto sa buong reklamo.
“Impeachment is dead in the water. Kapag mali ang pundasyon, susunod na ang iba pang pagkakamali. Nagagamit na lamang ang impeachment para sa tsismis at propaganda,” ani Luna.
Iginiit din niya na layunin umano ng mga nagsusulong ng impeachment na sirain ang pangalan ni Vice President Sara Duterte bago ang halalan sa 2028.
Kaugnay naman ng isyu ng inciting to sedition, sinabi ni Luna na sa kanyang pananaw ay hindi maaaring arestuhin ang Bise Presidente batay lamang sa naturang usapin dahil siya ang ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Dagdag pa niya, ang mga naging pahayag umano ni Vice President Duterte ay hindi maituturing na grave threats, sapagkat aniya’y “mirroring” lamang ito ng mga sentimyentong ipinapahayag ng ilang mamamayan.
Hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag ang kampo ng mga nagsusulong ng impeachment kaugnay ng mga pahayag nina Luna at ng iba pang kalahok sa naturang kapihan.
“Gusto kong sabihin sa House prosecution: kung hindi ninyo kayang patunayan ang mga Articles of Impeachment, ibasura na ninyo ang kaso. Bigyan natin ng hustisya si Vice President Sara. Huwag na natin itong patagalin kung wala rin namang sapat na ebidensiya, dahil sinasayang lamang nito ang pondo ng bayan. Huwag natin itong gawing usaping tsismis. Sa halip, mag-concentrate tayo sa mas mahahalagang isyu, tulad ng flood control,” panawagan ni Atty. Manuelito Luna.