Advertisers
Hinihiling ng grupong Citizens Crime Watch (CCW) ang pagsama kay Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon sa imbestigasyon ng mga diumano ay iregularidad sa 2019 South East Asian Games.
“Dahil inanunsyo kamakailan ng National Bureau of Investigation (NBI) na magsasagawa ito ng imbestigasyon sa mga anomalya tungkol sa na idinaos na palaro sa Pilipinas, mariin naming hinihimok ang NBI na isama sa imbestigasyon si Dizon,” anang CCW sa isang pahayag.
Ayon sa CCW na pinamumunuan nina national chair Atty. Ferdie Topacio at president Diego Magpantay, ang the 2019 SEA games ay kakatapos lang nang magsampa ng reklamo ang CCW laban kay Dizon sa Office of the Ombudsman.
“Sa kasamaang-palad, nangyari ang pandemyang COVID (at ang kasunod na lockdown) at labis na nahirapan ang aming mga volunteers na kumuha ng mga dokumento at iba pang ebidensya upang patunayan ang aming mga paratang laban kay G. Dizon. Dahil dito—at nalaman lamang namin kamakailan na dismissed ang nasabing reklamo noong 2021 dahil sa ‘kakulangan ng ebidensya’,” anang CCW.
Sinabi ni Topacio na para sa CCW, ang pag-dismiss sa kaso ay di nangangahulugang tanggal na ang hinala o pruweba laban kay Dizon at di rin ito dapat maging hadlang para ituloy ang imbestigasyon.
Dahil diyan ay hinihimok ng CCW si NBI Director Melvin Matibag at ang buong bureau na ipagpatuloy ang imbestigasyon at isama si Dizon.
“Tiwala kami na gamit ang sigasig at dedikasyong ipinamalas ng direktor ng NBI laban kina Senador Marcoleta, Padilla, dating Secretary Defensor at marami pang iba, ay makakahanap siya ng mahahalagang ebidensya laban kay Sec. Dizon. Ito ay bilang pagtupad sa kanyang sinumpaang tungkulin na imbestigahan ang lahat ng krimen nang walang kinikilingan, walang takot o paboritismo at alinsunod sa mga probisyon ng Konstitusyon tungkol sa pantay na proteksyon at angkop na proseso ng batas (due process),” pahayag pa ng CCW.
“Nakatuon ang atensyon ng buong bansa sa NBI hinggil sa usaping ito, at umaasa kaming mapapatunayan ng pangunahing ahensya ng imbestigasyon ng bansa na kaya nitong gampanan ang nasabing tungkulin nang mahusay,” dagdag pa nito. (JERRY S. TAN)