Advertisers
HANDA na umanong harapin ni dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang kahit anong reklamo na isasampa ng Office of the Ombudsman laban sa kanyq na may kaugnayan sa kontrobersyal na flood control scam.
Ito ang mariing inihayag ng kanyang legal counsel, Atty. Ade Fajardo laban kay Romualdez.
“Nakahanda si former Speaker Romualdez na harapin ang proseso. Pero talagang walang patunay o ebidensiya sa kanya tungkol sa flood-control anomalies. Wala pa pong preliminary investigation, nasa case build-up status po now,” ani Fajardo.
Diin pa nito na wala umano ng kahit anomang partisipasyon ang dating lider ng Kamara sa naturang kontrobersya sa usapin ng pagpopondo at implementasyon ng nasabing proyekto.
“Napakasimple lang actually. Kasi kung wala ka namang participation, talagang maa-anticipate mo na wala namang ebidensya bukod pa sa mga pabago-bagong testimonya ng tinaguriang mga “bodyguards” makaraang humarap ang mga ito sa nakalipas na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee,”dagdag pa ni Fajardo.
Ipinunto pa ng legal counsel ni Romualdez ang nakalipas na resulta na isinagawa ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na walq ni isang binanggit na liability ang dating Speaker sa flood control scam.
“Kung ating babalikan, mismong ICI ang naglabas sa kanilang imbestigasyon na wala silang mahanap na liability. Ganyan po ang expressed findings ng ICI nang dalhin ang records sa Office of the Ombudsman.”
Iginiit pa ni Fajardo na handa ang kanyang kliyente na sagutin ang anomang aligasyon sakaling pormal na hiniling ng Office of the Ombudsman ang panig ni Romualdez.
“Hindi po tumatakas sa kanyang pananagutan si dating Speaker na harapin ang lahat ng ito.
Boluntaryo siyang bumaba bilang Speaker para bigyang-daan ang imbestigasyon.”
Samantala, sinabi ni Fajardo na nananatili pa rin si Romualdez sa bansa at patuloy umanong ginagampanan nito ang kanyang trabaho bilang 1st district representative sa lalawigan ng Leyte. (Henry Padilla)