Advertisers
DALAWANG magkahiwalay na grenade attack ang naitala sa dalawang bayan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa loob lamang ng 12 oras nitong Sabado, Hulyo 18.
Sa pinakahuling insidente, isang lalaking sakay ng motorsiklo ang naghagis ng granada sa detatchment ng Charlie Company ng 7th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Barangay Maca-guiling, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, gabi ng Sabado.
Ayon sa Police Regional Office-BAR (PRO-BAR), walang nasugatan sa natu-rang pagsabog, nguni’t nagdulot ito ng matinding takot sa mga residente sa paligid.
Agad na tumakas ang sa-larin pagkahagis ang granada. Nahagip ng mga CCTV camera ang kanyang pagtakas.
Mas maaga namang nangyari ang isa pang grenade attack sa Barangay Mother Poblacion, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur kung saan target ang isang sasakyan ng Army.
Ayon sa mga awtoridad, dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo ang naghagis ng granada sa military vehicle, nguni’t hindi ito tumama sa target at sumabog sa gilid ng kalsada.
Sugatan sa insidente ang dalawang sundalo na sina Cpl. Jessie Jay Bulanay at Cpl. Arnel Calapan, gayundin ang tatlong sibilyan na sina John Dave Usman Santiago, Bassir Amban Batong, at Pamiya Upam Bulingkig.
Lahat sila ay nagtamo ng mga sugat mula sa sharpnel at agad na isinugod sa Bangsamoro Regional Medical Center sa Shariff Aguak.
Batay sa paunang impormasyon mula sa mga lokal na opisyal at pulisya, posibleng may kaugnayan ang dalawang pag-atake sa paghihiganti ng mga natitirang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) matapos mapatay sa engkuwentro nitong unang bahagi ng Hulyo ang kanilang lider na si Esmael Tingan Abubakar sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.