Advertisers
Sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na wala siyang anumang espesyal na paghahandang ginawa para sa kanyang gagawing pagharap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, dahil wala naman umanong pangangailangan para gawin niya ito.
Ayon kay Matibag, handa siyang humarap ‘to just answer truthfully”gaya ng ginawa ng iba pang NBI officials na nauna nang humarap bago siya.
Nagpahayag din ng suporta si Matibag sa manifestation ni Senator Erwin Tulfo na nanawagan sa kapwa Senator-Judges na tiyaking ang impeachment trial ay gagamitin lamang para sa nasabing isyu.
“Pwede po ba ‘yung mga problema po, labas sa impeachment court na ito o labas sa kaso ng Vice President ay dadalhin natin dito? Di po ba ang korte na ito itinatag para po sana kay Vice President at kay Vice President lamang? Mga ebidensya, mga testimonya, mga pahayag patungkol lamang po sana sa impeachment ng Vice President. Kasi dito pong mga nagdaang araw, Mr. Presiding Officer, Senate President, mga kasama, napansin ko po na nagagamit ang oras po ng impeachment court sa pagtatanggol po ng mga nakaraang araw ng sarili ng ilan sa mga kasamahan natin sa mga akusasyon,” ani Tulfo.
“This is not the right forum and the right venue and at the right time to explain your situation. Kung gusto po ninyong mag-eksplika [explain] ng inyong mga saloobin, problema, maaari naman po ninyong gawin yan sa labas po ng oras ng impeachment court. Maaari pong sa press conference, nandiyan naman po ang senate media. Anytime po, nandoon sila sa Senate briefing room, press briefing room. Maaari din po sa Facebook o sa YouTube magpaliwanag. Huwag po natin gamitin ang oras ng impeachment court sa pagpapaliwanag o sa pagtatanggol ng ating mga sarili simula pa po noong nakaraang linggo. Because the time we waste here to defend ourselves, defend what we believe or what have you, is an injustice to the Vice President,” ani Tulfo.
Binigyang-diin pa ni Tulfo na ang oras para sa impeachment trial ay dapat gamitin sa pakikinig sa depensa at akusasyon laban sa Vice President at hindi sa pagde-depensa sa mga sarili kung inaakusahan ng kung anong mga ahensya.
“Kung tayo po ay may mga kaso, may mga imbestigasyon, this is not the right forum, Mr.Presiding Officer, Mr. President, Senate President. This is not the right place.This court was established, was created, the impeachment court. For the Vice President and Vice President only. This should be her time. This should be her forum. Not our forum here na ilabas natin ang saloobin natin, mga sagot natin sa mga akusasyon, mga kaso laban sa atin. And this is not also the time, Mr. President, Mr. Presiding Officer na hanapin yung mga kasama natin na nawawala, nakakulong. Dapat po doon sa Senado natin, sa sesyon natin. And not here in this court,” dagdag pa ni Tulfo.
Ayon umano sa rules ng impeachment court, dapat na ang mga diskusyon ay nakatuon lamang sa mga isyu na may kinalaman sa mga reklamong inihain laban sa Vice President.
Hindi umano dapat masayang ang oras ng impeachment court sa pagbubukas ng mga isyu na walang kinalaman sa impeachment at layon lamang na protektahan at depensahan ang nagsasalita, dahil ang trial ay hindi ang tamang lugar para sa mga personal na isyu. (JERRY S. TAN)