Advertisers

Advertisers

MARCOS, DAPAT HUMARAP DIN SA IMPEACHMENT – MAGNIFICENT 7

0 4

Advertisers

Iginiit ng grupong Magnificent 7 na dapat umanong pairalin ng Kamara de Representantes ang parehong pamantayan sa paghawak ng mga impeachment complaint laban sa pinakamataas na opisyal ng bansa, kasabay ng panawagang huwag magkaroon ng “double standards” sa pagitan ng kaso ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at ni Bise Presidente Sara Duterte.
Ayon sa grupo, kung naging bukas ang Mababang Kapulungan sa pagtalakay sa impeachment complaint laban kay Vice President Duterte, nararapat din umanong mabigyan ng pagkakataong madinig ang kanilang verified impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos.
Binubuo ang Magnificent 7 nina dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Atty. Manuelito Luna, dating Environment Secretary Michael Defensor, dating Justice Undersecretary Atty. Jacinto Paras, Atty. Ferdinand Topacio, Municipal Vice Mayor Harold Respicio, Cathy Binag, at dating heneral na si Atty. Virgilio Garcia.
Ayon sa grupo, inihain nila ang verified impeachment complaint noong Enero 2026 ngunit hindi ito tinanggap ng Office of the Secretary General ng House of Representatives. Dahil dito, iginiit nilang hindi naging patas ang naging pagtrato sa kanilang reklamo kumpara sa naging proseso sa impeachment complaint laban sa Bise Presidente.
Sa kanilang reklamo, inisa-isa ng Magnificent 7 ang umano’y sampung impeachable offenses na kanilang ibinabato laban kay Pangulong Marcos.
Kabilang dito ang umano’y culpable violation of the Constitution kaugnay ng mga unprogrammed appropriations sa General Appropriations Acts ng fiscal years 2023, 2024 at 2025, kabilang ang isyu sa AKAP o Ayuda para sa Kapos ang Kita Program.
Inakusahan din ng grupo ang Pangulo ng betrayal of public trust dahil sa umano’y paggamit ng ilegal na droga at pagtangging sumailalim sa hair follicle drug test.
Kasama rin sa reklamo ang alegasyon ng graft and corruption kaugnay ng umano’y pagtanggap ng buwanang SOP at kickbacks, gayundin ang sinasabing mga insertion sa pambansang budget.
Isa rin sa pinakamabigat na alegasyon ang umano’y paglabag sa Konstitusyon kaugnay ng pag-aresto at paglilipat kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Bukod dito, isinama rin sa impeachment complaint ang mga isyu hinggil sa sugar importation, pagpapalawig ng Malampaya gas service concession, at umano’y kabiguang ipaimbestiga ang mga alegasyon ng katiwalian laban kina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Ako Bicol Rep. Elizaldy Co.
Iginiit ng Magnificent 7 na ang mga alegasyong ito ay bumubuo ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, betrayal of public trust at iba pang high crimes na, ayon sa kanila, ay sapat upang isailalim sa impeachment proceedings ang Pangulo.
Ayon sa grupo, ang kanilang pangunahing panawagan ay ang pantay na pagpapatupad ng Konstitusyon at ng impeachment process, anuman ang posisyon o katayuan ng opisyal na inirereklamo.
Wala pang opisyal na pahayag ang Malacañang kaugnay ng mga alegasyong nakasaad sa impeachment complaint ng Magnificent 7. Samantala, mahalagang tandaan na ang mga nabanggit ay mga alegasyon lamang na nakapaloob sa reklamong inihain ng grupo at hindi pa napapatunayan sa anumang hukuman o impeachment proceedings.