Advertisers

Advertisers

P612.5 MILYON CONFIDENTIAL FUNDS NI VP SARA HAHATULAN SA EBIDENSYA!

0 13

Advertisers

MAGSISIMULA nang ilatag ng House prosecution panel ang mga ebidensiya kaugnay ng maling paggamit ni Vice President Sara Z. Duterte sa P612.5 milyong confidential funds sa muling pagbubukas ng paglilitis ng Senate impeachment court sa Miyerkules.

Ayon kay Manila Representative Joel Chua, pangunahing House prosecutor na humahawak sa Article I ng impeachment case, ito na ang pagkakataon upang makita ng publiko ang mga ebidensiya sa isa sa pinakamabibigat na akusasyon laban sa Bise Presidente.

“Dito na lalabas ang katotohanan. Hindi na ito usapin ng mga alegasyon lamang. Ihaharap namin sa impeachment court ang mga dokumento, mga testigo, at iba pang ebidensiya,” ani Chua.

Sa ilalim ng Article I, inaakusahan si Duterte ng maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds noong siya ay Vice President at Kalihim ng Department of Education (DepEd).

Bukod sa pagiging House prosecutor, si Chua rin ang namumuno sa House Committee on Good Government and Public Accountability na nagsagawa noong 2024 ng imbestigasyon hinggil sa confidential funds ni Duterte.

Sa loob ng ilang buwan, nagsagawa ang komite ng serye ng mga pampublikong pagdinig upang busisiin ang pagpapalabas, pag-withdraw, paggastos, at liquidation ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education noong panunungkulan ni Duterte.

Sa naturang imbestigasyon, natuklasan ang iba’t ibang iregularidad, kabilang ang mga acknowledgment receipt na nakapangalan sa mga sinasabing tumanggap ng pondo ngunit kalaunan ay lumitaw na walang katugmang birth records o hindi mapatunayan ang kanilang pagkakakilanlan.

Ang mga natuklasan ng komite ang kalauna’y naging isa sa mga pangunahing batayan ng impeachment complaints na inihain laban kay Duterte.

“Masusi naming siniyasat ang usaping ito. Ngayon ay ilalatag na namin sa Impeachment Court ang lahat ng ebidensiyang aming nakalap at hahayaan naming ang mga katotohanan ang magsalita,” dagdag ni Chua.

Kabilang sa mga unang haharap na testigo ng prosekusyon sina dating Land Bank Shaw Boulevard branch manager Violeta Constantino at dating Land Bank Department of Education branch manager Nenita Camposano.

Inaasahang magbibigay sila ng testimonya hinggil sa proseso, dokumentasyon, at pag-withdraw ng confidential funds na saklaw ng impeachment complaint.

Nagpalabas din ng subpoena ang Senate impeachment court kay Marivic Pareja, hepe ng House Legislative Archives, Museum and Management Service, upang isumite ang mga opisyal na rekord ng Kamara na may kaugnayan sa impeachment proceedings.

“Karapat-dapat ang sambayanang Pilipino sa transparency at pananagutan. Sa paglilitis na ito, dapat manaig ang mga katotohanan, hindi ang pulitika,” diin ni Chua.

Noong nakaraang linggo, tinapos na ng House prosecution panel ang presentasyon ng ebidensiya kaugnay ng artikulo ng impeachment na tumatalakay sa pagbabanta ni Duterte kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Sa muling pagbubukas ng paglilitis, tututukan na ng prosekusyon ang Article I, ang kasong may kaugnayan sa confidential funds na nag-ugat sa imbestigasyon ng Kamara noong 2024 sa pamumuno ni Chua.