Advertisers

Advertisers

SCHOLARSHIP, EDUCATIONAL ASSISTANCE PROGRAMS, MAS PALALAWAKIN NG MARCOS ADMIN

0 2

Advertisers

Mas marami pang estudyante sa buong bansa ang inaasahang mabibigyan ng pagkakataong makapagtapos ng kolehiyo sa patuloy na pagpapalawak ng scholarship at educational assistance programs ng administrasyong Marcos.

Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, malinaw ang paninindigan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi dapat maging hadlang ang kakulangan sa pera sa pag-abot ng pangarap ng mga kabataang nais makapagtapos.

Sa kanyang pagbisita sa Cebu, hinikayat ni Recto ang mga Presidential Scholars na pahalagahan ang oportunidad na kanilang natanggap at magsikap upang matapos ang kanilang pag-aaral.

Sinabi ni Recto na malaking tiwala ang ipinagkaloob ng Pangulo sa mga benepisyaryo, kaya inaasahang gagamitin nila nang maayos ang tulong na kanilang natatanggap at balang-araw ay maibabahagi rin nila ang kanilang kaalaman at kakayahan sa kanilang mga komunidad.

Sa Cebu City lamang, nasa 5,330 estudyante mula sa 1,066 barangay ang kabilang sa mga benepisyaryo ng programa.

Kasama ni Recto sa kanyang pagbisita sa mga Presidential Scholars sa Cebu sina Secretary of the Office of the Presidential Assistant for the Visayas Philip Lo, Governor Pamela Baricuatro, at Cebu City Mayor Nestor Archival.

Nabatid na sa ilalim ng Bagong Pilipinas Barangay Presidential Scholars Program, limang fourth-year college students mula sa bawat barangay ang makatatanggap ng tig-P20,000 na financial assistance. Para sa taong ito, tinatayang 210,000 estudyante mula sa mahigit 42,000 barangay sa buong bansa ang makikinabang. (Gilbert Perdez)