Advertisers
PERSONAL na nag-utos si Vice President Sara Duterte na ilabas ang buong P125 milyon na confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at ibigay ito kay security officer Colonel Raymund Dante Lachica matapos ma-cash ang pera noong Disyembre 20, 2022.
Ito ang ibinunyag ni dating OVP special disbursing officer (SDO) Gina Acosta nitong Lunes sa kanyang pagtestigo bilang hostile witness sa Senate impeachment court, kungsaan direktang itinuro niya si Duterte bilang opisyal na nag-utos sa kanya na i-turn over kay Lachica ang pera.
“Ang nag-utos po sa akin na i-release ang pera na P125 million sa security officer na si Col. Lachica ay si Ma’am Sara Duterte,” pahayag ni Acosta.
Ayon kay Acosta, tinawagan niya si Lachica matapos ma-encash ang tseke dahil sa utos ni Duterte, na tinukoy niya bilang kanyang head of agency.
“Kasi po may instruction po sa taas, Your Honor, ng aking head of agency na kung ma-encash ko po ang cheque, i-release ko po kay Sir Lachica,” aniya.
Hinarap din ni private prosecutor Atty. Amando Virgil Ligutan si Acosta sa kanyang sinumpaang salaysay noong Nobyembre 25, 2024 hearing ng House Committee on Good Government and Public Accountability.
Nang tanungin noon kung bakit niya ibinigay kay Lachica ang buong halaga, sinabi ni Acosta:
“Because po may utos po ni Ma’am Inday Sara na sa kanya po i-release kasi siya po ang nakakaalam kung paano po i-implement ang mga programs and activities in line po sa confidential activities.”
Pinagtibay ni Acosta ang naturang pahayag sa impeachment court.
Sa isa pa niyang naunang testimonya, sinabi ni Acosta na hindi niya ipagkakatiwala kay Lachica ang P125 milyon kung wala ang approval ni Duterte.
“May approval po kay Ma’am Inday Sara,” sagot ni Acosta nang tanungin kung ano ang nagbigay sa kanya ng kumpiyansang i-turn over ang buong halaga kay Lachica kahit siya mismo ang accountable officer.
Nang tanungin kung gagawin niya ito ng walang approval ni Duterte, sagot niya: “Hindi po.”
Nauna ring sinabi ni Acosta na ang tiwala niya kay Lachica ay nagmula sa tiwala mismo ni Duterte sa security officer.
“I trust Lachica kasi gina-trust po siya ng aking head of office, Inday Sara,” pahayag niya.
Ang P125 milyon ang unang tranche sa apat na release ng confidential funds na umabot sa kabuuang P500 milyon na inilaan sa OVP taon 2022 at 2023.
Sinusuri ang mga transaksyong ito sa ilalim ng Article I ng impeachment complaint laban kay Duterte kaugnay ng maling paggamit ng P612.5 milyon na confidential funds ng OVP at Department of Education.