Advertisers
Ni Mercy Lejarde
Magbabalik sa pagpapakilig ang tambalang FranSeth nina Francine Diaz at Seth Fedelin para sa kanilang bagong vertical romance serye na “A Cake to Remember,” na mapapanood simula Agosto 28 (Biyernes) sa iWant.
Ang “A Cake to Remember” ay ang pinakabagong Kapamilya project ng tambalan matapos nilang bumida sa 2025 serye na “Sins of the Father.” Kabilang din ang kanilang short romance serye sa lumalagong vertical drama lineup ng iWant, tampok ang “The Chambermaid’s Daughter,” “Twist of Fate,” at “Will You Fake Marry Me?”
Sa direksyon ni Emerald Silvestre, iikot ang short serye kay Mandy (Francine), isang pastry chef na tatanggap ng bigating wedding cake order upang maisalba ang kanyang naluluging bakery. Ngunit laking gulat niya nang malaman na ang magiging groom ng kasalang iyon ay ang dati niyang fiancé na si Landon (Seth), ang mismong nang-iwan sa kanya sa altar.
Lingid kay Mandy, naaksidente si Landon ilang saglit bago ang kanilang kasal, dahilan upang siya ay hindi siputin at mawalan ng mga alaala tungkol sa kanya. Sa kabila nito, pipilitin ni Mandy na matandaan niyang muli ang kanilang pag-iibigan sa pamamagitan ng pagpapatikim ng mga cake na kanilang pinagsaluhan noon.
Mapapanood na sa iWant ang “A Cake to Remember” simula Agosto 28 para sa Part 1 episodes nito, habang aabangan naman sa Setyembre 4 (Biyernes) ang Part 2 nito. Libre ring mapapanood ang unang limang episode nito sa Facebook, TikTok, at YouTube pages ng iWant at ABS-CBN Entertainment.
***
CYRUS, Muling Nagbabalik sa Mundo ng Musika
Muling tinatahak ni CYRUS ang mundo ng musika habang naghahanda para sa panibagong yugto ng kanyang career bilang mang-aawit.
Aminado siyang may kaba at pressure sa kanyang pagbabalik, ngunit mas nangingibabaw ang excitement at determinasyong patuloy na matuto at pagbutihin ang kanyang craft.
“I feel a ton of pressure and anxiety as I’m starting to launch my career, but excitement at the same time,” pagbabahagi ni CYRUS.
Matapos ang nalalapit niyang pagtatanghal kasama ang OPM icon na si Ivy Violan, umaasa siyang mas marami pang pagkakataong makapag-perform para sa mga Filipino.
Isa rin sa kanyang mga pangarap ang makapag-record at makapaglabas ng sariling album kapag mayroon nang mga awiting nais niyang i-record at ibahagi sa kanyang mga tagapakinig.
Malaki ang naging impluwensiya ng kanyang ama, na dating band vocalist at nagkaroon ng pagkakataong magtanghal sa ibang bansa. Bata pa lamang si CYRUS ay exposed na siya sa musika dahil sa mga family gathering na laging may kantahan at karaoke.
Noong high school, mas naging seryoso siya sa pagkanta at live performances.
Sa kanyang musical influences, partikular na nahihilig si CYRUS sa big-band jazz at sa mga legendary crooner tulad nina Frank Sinatra at Michael Bublé.
Para sa kanya, may classy, elegant, romantic, at masculine vibe ang ganitong uri ng musika—isang estilo na lubos niyang kinagigiliwan.
Sa kanyang pagbabalik, dala ni CYRUS ang inspirasyon mula sa kanyang ama at pagmamahal sa jazz. Handa siyang harapin ang mga hamon ng kanyang musical journey habang patuloy na hinahasa ang kanyang talento at inaabot ang mas maraming tagapakinig.