Advertisers

Advertisers

Anak ‘utak’ sa pagpaslang sa erpat na hotel-resort owner

0 3

Advertisers

ANG anak mismo ang itinuturong utak sa planadong pagpaslang sa negosyante at sa live-in partner nito sa Mauban, Quezon.
Naaresto na ng pulisya ang anak na babae ng biktima nang lumitaw sa follow-up investigation ang serye ng bayaran at pag-uugnayan ng mga suspek para maisagawa ang krimen.
Kinilala ng pulisya ang pangunahing suspek na si Aira Manaog Teves alyas “Ineng”, anak ng negosyanteng si Nestor Manaog, na isa sa dalawang nasawi sa pananaksak sa kanilang bahay sa Mauban noong Agosto 27.
Ayon kay Major Hubert Jabrica, hepe ng Mauban Police, lumitaw sa imbestiga-syon na unang inalok ng P250,000 si Kim Ravina Torres, 30 anyos, para ipapaslang ang negosyante, ngunit hindi ito natuloy matapos magkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa usapan.
Si Torres naman ang na-kipag-ugnayan kay Mervin Refil, na naunang naaresto ilang oras matapos ang krimen at umano’y pumayag na isagawa ang pagpaslang kapalit ng P100,000.
Kabilang din sa mga natukoy na sangkot si Randy Hilahan alyas “Rambo”, nagsilbing lookout, habang iniimbestigahan din ang papel ni Randelle Ursua alyas “Bunganga” sa krimen.
Ayon pa kay Jabrica, problema sa pamilya at hindi pagkakasundo sa mga karelasyon ang nakikitang motibo sa pagpaslang kay Manaog, at kasama pa umano ng anak ang kaniyang ama nang maganap ang krimen.
Lumitaw rin sa imbestigasyon na si Teves ang nagsilbing tagapagbigay ng senyas kung kailan ligtas nang makapasok ang mga salarin sa bahay ng mga biktima.
Kusang sumuko si Torres sa Mauban Police nitong Agosto 31, habang naaresto rin sa follow-up operation si Teves alyas “Ineng.”
Inihahanda na ng pulisya ang kasong parricide at murder laban kay Teves, habang double murder ang inihahanda laban kina Torres, Hilahan at Ursua.
Patuloy ang paghahanap sa mga salarin na nakatakas, habang pinaiigting ng pulisya ang imbestigasyon para matukoy ang buong papel ng bawat sangkot sa krimen.
(Koi Laura)