Higit 900 manggagawa naapektuhan sa serye ng raid sa mga steel plant; epekto sa ekonomiya at junk shops ramdam na
Advertisers
DAAN-DAANG manggagawa sa apat na steel at metal manufacturing company sa bansa ang nawalan ng hanapbuhay matapos ang serye ng raid ng Department of National Defense (DND), Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), at National Bureau of Investigation (NBI) laban sa mga pasilidad na pinaghihinalaang lumalabag sa nuclear safety at consumer protection laws kungsaan ang ang epekto nito ay umabot na sa mismong ekonomiya ng mga bayan at lungsod kungsaan matatagpuan ang mga planta.
Sa isang steel plant sa Barangay Ilang, Bunawan, Davao City, mahigit 300 manggagawa ang naapektuhan matapos isara ng mga awtoridad ang pasilidad Agosto 13. Sa Tagoloan, Misamis Oriental, humigit-kumulang 300 hanggang 316 manggagawa ang naapektuhan matapos ang raid noong Mayo, at sa planta sa sa Magalang, Pampanga na sinalakay Hulyo 18, 347 Pilipinong manggagawa ang nawalan ng trabaho kabilang ang 37 Chinese nationals.
Habang sa Keim Hing Steel Corporation sa Villanueva, Misamis Oriental ay walang naitalang manggagawang inalis o dinetine, dahil inspeksyon lamang ng local government unit ang isinagawa rito at hindi raid.
Sa lahat ng apat na kaso, karaniwang ginagamit ng mga ahensya ng pamahalaan ang salitang “rescue” upang ilarawan ang pag-alis ng mga manggagawa sa mga pasilidad. Ngunit para sa mga apektadong empleyado at labor group, iba ang naging karanasan.
Sa Davao Steel Corporation, ayon kay Davao City First District Councilor Pamela Librado-Morata sa isang privilege speech sa City Council noong Agosto 18, mahigit 200 sa mga apektadong manggagawa ang pumunta sa Davao City Hall noong Agosto 17 upang humingi ng tulong, karamihan sa kanila ay nagtrabaho na sa kumpanya ng tatlo hanggang sampung taon.
“Kung tunay ngang rescue operation ito, nasaan ang rescue para sa mga manggagawang ngayon ay nahaharap sa kawalan ng trabaho?”, saad ng Kilusang Mayo Uno-Southern Mindanao Region (KMU-SMR) sa isang pahayag.
Ayon naman kay Teresita Hadman, Northern Mindanao coordinator ng National Federation of Labor Unions-KMU, ilang empleyado ng Sanjia ang naghain na ng kaso sa National Labor Relations Commission (NLRC) hinihiling ang back pay at iba pang benepisyo gayundin ang manggagawa ng Chuangxing Steel na naghain ng reklamo sa NLRC sa San Fernando City.
Higit pa sa pagkawala ng trabaho, umaabot narin ang epekto ng mga raid sa mas malawak na ekonomiya ng mga lugar kungsaan matatagpuan ang mga planta.
Kasabay nito, labis din naapektuhan ang mga lokal na junk shop na dumidepende sa mga malalaking pasilidad na ito.
Ayon sa isang ulat pang-ekonomiya tungkol sa mga apektadong scrap-metal purchasing network, ang isang junk shop ay karaniwang bumibili ng 20 hanggang 30 tonelada ng scrap metal kada linggo mula sa humigit-kumulang 1,000 hanggang 1,500 indibidwal na kolektor.
Dahil sa mababang halaga ng scrap bawat kilo at mataas na gastusin sa transportasyon patungo sa malalayong buyer, ang biglaang pagtigil ng operasyon ng mga pangunahing steel plant ay nagdudulot ng paghina sa lokal na bentahan, na direktang tumatama sa mga tsuper, maliit na recycler, at libu-libong maliliit na mangangalakal.
Sa kabila nito, nagbanta si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa isang press conference noong Agosto 25 na humigit-kumulang 20 pang steel plants sa bansa ang kasalukuyang sinusuri para sa posibleng paglabag sa safety standards.
Matatandaang kinondena ng mga labor group ang ganitong crackdown na walang pagkonsidera sa magiging sitwasyon pagkatapos ng mga manggagawa na biglaang mawawalan ng trabaho.