Advertisers
NASAWI ang lima katao at 87 ang hindi pa natatagpuan nang masunog ang pampasaherong barko, MV Jun Aster, sa karagatang sakop ng Coron, Palawan, Miyerkules ng gabi.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), sa 42 katao nasagip, 38 rito ay pasahero at 4 ang tripulante, habang nagpapatuloy ang search and rescue operations. Nilinaw nitong maaari pang magbago ang bilang habang nagpapa-tuloy ang operasyon.
Batay sa manifesto ng barko, may sakay na 117 pasahero at 17 tripulante, na may kabuuang 134 katao sa barko.
Nagmula sa Baseco area sa Maynila ang MV Jun Aster at patungo sa Coron nang lamunin ng apoy 6:45 ng gabi.
Nangyari ang insidente sa karagatang may 1.2 nautical miles hilagang-silangan ng Barangay Marcilla sa Coron.
Nakipag-ugnayan ang PCG sa Bureau of Fire Protection, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, lokal na pamahalaan ng Coron at mga shipping line upang magsagawa ng agarang rescue operation.
Nagpadala rin ng mga tauhan ang Coast Guard Special Operations Group at Maritime Environmental Protection Unit-Northeastern Palawan.
Tumulak naman mula El Nido ang BRP Suluan upang tumulong sa operasyon.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.