Advertisers

Advertisers

WAR HERO, ITINALAGA PARA SA KAPAYAPAAN, KAUNLARAN

0 4

Advertisers

Mula sa pangunguna sa mga sundalo sa ilan sa pinakamabibigat na labanan kontra-terorismo, isang panibagong misyon ngayon ang haharapin ng bemedaled warrior at dating Army Lieutenant General Danilo G. Pamonag—ang pag-isahin ang pambansang pamahalaan, local government units (LGUs), civil society at mga komunidad upang gawing sentro ng kabuhayan at oportunidad ang mga lugar na dating sinalanta ng armadong tunggalian.

Pormal nang nanumpa si Pamonag, dating undersecretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), bilang Executive Director ng National Secretariat ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa seremonyang pinangunahan ni Executive Secretary Ralph G. Recto.

Hudyat ang kanyang pag-upo sa mas pinaigting na koordinasyon at pagtutulungan ng mga ahensiya ng pamahalaan, LGUs, civil society organizations at mismong mga mamamayan upang mapatatag ang mga tagumpay laban sa insurhensiya at maisalin ang mga ito sa pangmatagalang kaunlaran, trabaho at mas maraming oportunidad sa mga dating conflict-affected communities.

Nakasandig ito sa Whole-of-Nation approach, na kumikilala na hindi kayang makamit ng militar, pulisya o alinmang ahensiya lamang ang pangmatagalang kapayapaan. Kailangang magsanib-puwersa ang buong pamahalaan at lipunan upang tugunan ang kahirapan, pagkakahiwalay ng malalayong komunidad, kakulangan sa pangunahing serbisyo at limitadong oportunidad na matagal na nakaapekto sa mga lugar ng tunggalian.

Pangungunahan ni Pamonag ang pagpapatupad ng National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) 2025–2028, habang higit na palalakasin ang convergence ng mga programa ng pambansang pamahalaan at LGUs at ang pakikilahok ng civil society at mga komunidad upang ang mga proyekto at serbisyo ay tumugon sa aktuwal na pangangailangan ng mamamayan.

Mahalagang instrumento rito ang Barangay Development Program (BDP), na naghahatid ng farm-to-market roads, suplay ng tubig, elektripikasyon, health facilities, mga paaralan at iba pang pangunahing proyekto sa geographically isolated at dating conflict-affected barangays. Layunin nitong iugnay ang mga dating liblib na pamayanan sa mga pamilihan, serbisyo ng pamahalaan at mas malawak na oportunidad sa ekonomiya.

Bitbit ni Pamonag sa bagong tungkulin ang ilang dekadang karanasan bilang mandirigma at lingkod-bayan. Isa siya sa mga pangunahing commander noong 2013 Zamboanga Siege at kalaunan ay namuno sa Joint Special Operations Task Force “Trident” noong 2017 Marawi Siege, kung saan pinangunahan niya ang mga puwersang nasa frontline laban sa Daesh-inspired terrorist elements.

Dahil sa kanyang pamumuno at katapangan sa labanan, kinilala si Pamonag bilang unang Asian recipient ng United States Special Operations Command Medal matapos ang matagumpay na pagsagip sa mga hostage sa Zamboanga crisis. Matapos magretiro bilang lieutenant general, nagsilbi rin siyang DSWD undersecretary sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic at tumulong sa paghahatid ng ayuda sa milyun-milyong vulnerable na pamilyang Pilipino.
Nagsisilbi rin si Pamonag bilang co-chairman ng Joint Task Forces on Camps Transformation sa ilalim ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), na nangangasiwa sa pagbabago ng mga itinalagang kampo ng Moro Islamic Liberation Front tungo sa mapayapa, produktibo at self-sustaining na mga pamayanan.

Para sa war hero na minsang namuno sa mga sundalo sa Zamboanga at Marawi, ibang uri na ngayon ng tagumpay ang kanyang hahabulin—mga kalsadang nag-uugnay sa liblib na barangay, mga magsasakang nakararating sa pamilihan, mga negosyong lumilikha ng trabaho at mga pamilyang nagkakaroon ng pagkakataong umasenso. Mula sa pagkapanalo sa mga labanan tungo sa pagbubuo ng mga komunidad, pangungunahan ni Pamonag ang mas malawak na pagtutulungan upang gawing mapayapa, produktibo at maunlad ang mga dating lugar ng tunggalian at tuluyang BUILD PEACE BETTER.