Advertisers
Ni Mercy Lejarde
May espesyal na puwesto sa nalalapit na kasal nina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz ang “King of Talk” na si Boy Abunda bilang isa sa kanilang mga ninong.
Kamakailan lamang ay naging guest si Julie Anne sa Fast Talk with Boy Abunda, kung saan napag-usapan nila ang tungkol sa kanilang planong pagpapakasal sa 2027.
Tinanong ni Boy kung kumusta na ang kanilang wedding preparations, kabilang na ang mga detalye tulad ng gown, entourage, mga ninong at ninang, at venue.
“What can you tell us about the wedding that’s supposed to happen in 2027?” tanong ni Boy.
Nakangiting sagot naman ni Julie Anne, “Ang masasabi ko lang, Tito Boy, isa ka sa mga ninong.”
“At tinanggap ko na ’yun,” mabilis namang tugon ni Boy.
Pagbabahagi ni Julie Anne, wala pa siyang napipiling wedding gown, ngunit napag-uusapan na nila ni Rayver ang ilang detalye para sa kanilang espesyal na araw.
“Gown wala pa akong gown. Wala pa akong gown. But, yeah, we’ve been talking about it na. Tapos ako, siyempre, lahat naman ng babae ay naglilista kung ano ang kanilang mga dream destinations, wedding, catering, mga bridesmaids, ganyan,” ani Julie Anne.
“So, I think it will be easy siguro, Tito Boy, if ever that time comes, kung nasa panahon na kami na gano’n. But yeah, talagang like right now, we’re very, very okay. Napag-uusapan na,” dagdag pa niya.
Samantala, excited naman ang multi-awarded TV host na si Boy Abunda para sa nalalapit na pag-iisang dibdib nina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz.
“Excited lang kami. At least may na-confirm na isa. Ninong ako,” nakangiting saad ng TV host.
Wow, sure si yours truly na bonggang-bongga ang magiging kasal nina Julie Anne at Rayver. At sure din ako na invited ang parents ni Julie Anne na sina Jonathan at Marivic San Jose. Aba, dapat lang, mabait na anak si Julie Anne, ’di ba naman, Rayver?
***
Puno ng aral sa pag-ibig at pagbabago ang singer-songwriter at producer na si Majarlica sa kanyang bagong single na “Romantiko,” na hango sa personal niyang diary entry.
Isinulat at iprinodyus mismo ni Majarlica, o Angelica Tagadtad, ang R&B/soul track na nagsimula bilang isang simpleng diary entry bago niya ito ginawang kanta. Inilalahad ng “Romantiko” ang kanyang journey sa pag-ibig, kabilang ang mga karanasan at aral na nakatulong sa kanyang healing at growth. Nagsilbi namang supervising producer ng kanta si StarPop label head Roque “Rox” Santos.
Para kay Majarlica, mahalagang bahagi ng kanyang musika ang pagiging tapat sa kanyang mga nararamdaman.
“I write and perform songs close to my heart, celebrating the magic in everyday life. I find it empowering to be confidently vulnerable. Being Majarlica, to me, means embodying Filipina warriorness, reclaiming my voice through stories that are brave, imperfect, and deeply human,” saad niya sa social media.
Bilang isa sa bagong singers ng StarPop, nakilala si Majarlica bilang songwriter, filmmaker, at media artist. Nakapagsulat na rin siya ng mga kanta para sa iba’t ibang artists kabilang sina Belle Mariano, Kai Montinola, Michelle Dee, at iba pa. Ipinanganak sa Quezon City at kasalukuyang nakabase sa Canada, nagkaroon din siya ng pagkakataong makasama sa entablado ang kilalang OPM bands na Parokya ni Edgar, Ben&Ben, at Itchyworms bilang opening act sa kanilang shows sa Canada.
Nagsimula ang sariling musical journey ni Majarlica noong 2023 sa paglabas ng mga kantang “Siguro” at “Patawarin Mo Ako.” Inilabas din niya ang “Kalikasan,” isang advocacy song na ginawa niya bilang Miss Philippines Earth Quezon City 2021. Noong Abril, inilunsad niya ang “Royalty,” ang una niyang single sa ilalim ng StarPop.
Bukod sa musika, pinasok din ni Majarlica ang filmmaking at acting, kung saan bumida siya sa short film na “We Shall Not Sleep (Ligaw, Digmaan).”
Napapakinggan na ang “Romantiko” ni Majarlica sa iba’t ibang digital streaming platforms.