Advertisers
Ni Anne Venancio
MAY nakaabang nang pahinga si Jodi Sta. Maria ngayong taon, pero isang pelikula ang biglang nakapagpa-reset ng plano niya.
Matapos ang sunod-sunod na projects, napag-usapan na ng aktres at ng kanyang management na baka panahon na para mag-slow down muna at sa susunod na taon na lang muling tumanggap ng bagong proyekto.
Pero nang dumating ang offer para sa “2nd Miracle in Cell No. 7,” napaisip si Jodi kung kaya ba talaga niyang tanggihan ito.
Sa sequel, gagampanan niya si Angela, asawa ni Lito at ina ni Yesha. Nang mabasa niya ang script at marinig ang pitch ng team, mabilis niyang nakita ang dahilan para muling humarap sa camera.
“I want to do this,” ani Jodi.
Kaya imbes na tuluyang magpahinga, nag-commit siya sa “one more” project bago matapos ang taon.
Hindi rin lingid na mataas ang tiwala sa kanya ng production. Ayon kay Aga Muhlach, si Jodi agad ang unang choice nila para sa role ng kanyang asawa.
“Siya kaagad,” ani Aga, na pinuri ang husay ng aktres.
Ngayong 2026, napapanood si Jodi sa “Midnight Girls” at “Ganito, Ganyan, Ganoon,” habang nakatakda ring ipalabas ang “Edjop.”
Ang “2nd Miracle in Cell No. 7” ay kabilang sa 52nd Metro Manila Film Festival entries ngayong Disyembre.
Minsan talaga, may mga project na hindi mo kailangang piliting tanggapin—kasi bago mo pa matapos basahin ang script, alam mo nang gusto mong gawin.
***
ATE GAY, ASANG GUMALING NA SA CANCER, TANGGAL NA ANG TUMOR SA ILONG AT LEEG
UMAASA si Ate Gay na gumagaling na siya sa cancer matapos maging malinaw ang resulta ng kanyang mga pagsusuri.
Ayon sa komedyante, wala nang nakitang tumor sa kanyang ilong at leeg sa isinagawang MRI.
Sumailalim siya sa 35 radiation sessions, limang chemotherapy sessions, anim na CyberKnife treatments at siyam na immunotherapy sessions.
Nagpa-PET, CT at MRI scan din siya bilang bahagi ng kanyang gamutan.
Patuloy pa rin ang kanyang immunotherapy kada 21 araw kahit maganda ang resulta ng mga pagsusuri.
Aminado si Ate Gay na naging mahirap ang epekto ng gamutan at may mga pagkakataong gusto na niyang sumuko.
Noong Agosto, nagdiwang siya ng kanyang ika-55 kaarawan. Sinabi umano ng kanyang doktor noon na maaaring hindi na siya umabot sa 2026.
Kamakailan, nagtungo rin siya sa National Shrine and Parish of Saint Padre Pio sa Santo Tomas, Batangas, para magdasal para sa kanyang paggaling at sa iba pang may cancer.