Advertisers
MARIING nanindigan ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na walang natatanggap na anumang special treatment ang presidential cousin na si Rep. Martin Romualdez.
Giit ng ahensiya, ang pagtrato kay Romualdez at sa iba pang matataas na opisyal na kasalukuyang nakakulong ay kapareho rin ng pagtrato sa mga nauna nang nakakulong.
Paliwanag ni BJMP spokesperson Superintendent Jayrex Bustinera, pare-pareho na ang trato ng jail management sa lahat ng pumasok sa selda at kung ano ang natatanggap ng ibang bilanggo ay siya ring matatanggap ng mga nakukulong na opisyal.
Kinabibilangan ito ng visitation privilege, pagkain, medical care, access sa mga hearing, at iba pa nilang pangangailangan.
Dadaan din sa security check ang mga pagkaing ibibigay ng mga bisita kay Romualdez tulad ng ginagawa sa mga pagkaing dinadala para sa mga ordinaryong bilanggo.
Ang tanging kaibahan lamang ay ang dagdag na seguridad na magbabantay sa kulungan ng dating House Speaker at ng iba pang high-profile inmates.
Ani Bustinera, hindi ito itinuturing na special treatment kundi pagtugon sa risk factor na bumabalot sa mga high-profile inmate tulad ng banta ng pagtakas o pag-rescue.