Advertisers
TINANGGIHAN ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang panibagong panawagan ng China na alisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, iginiit na wala umanong hurisdiksyon o karapatan ang Beijing para makialam sa mga aktibidad ng Pilipinas sa naturang lugar.
Ayon kay Teodoro, nakabatay sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS at international law ang mga ginagawa ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.
Sinabi ito ni Teodoro matapos muling akusahan ng Chinese Embassy ang Pilipinas na nagsasagawa umano ng malawakang pagkukumpuni at pagpapatibay sa BRP Sierra Madre upang magkaroon ng permanenteng presensya sa Ayungin.
Samantala, sinabi na rin ng Department of Foreign Affairs na walang kasunduan ang Pilipinas at China na nag-oobliga sa Maynila na alisin o i-tow away ang BRP Sierra Madre.
Ayon sa DFA, kabilang ang Ayungin Shoal sa Philippine exclusive economic zone at continental shelf.
Batay naman sa 2016 arbitral ruling sa ilalim ng UNCLOS, itinuring ang Ayungin Shoal bilang low-tide elevation na nasa loob ng Philippine exclusive economic zone. Iginiit ni Teodoro na wala ring karapatan ang China na magdikta sa Pilipinas kaugnay ng presensya ng BRP Sierra Madre sa naturang lugar.