Advertisers

Advertisers

‘DI PAGPAPATUPAD NG E-WARRANT INIREKLAMO SA SC

0 98

Advertisers

NANAWAGAN ang alyansa ng mga anti-crime and anti-corruption watchdogs sa Korte Suprema na imbestigahan at disiplinahin ang mga korte na hindi seryoso sa pagpapatupad ng electronic warrant system (e-Warrant).

Sa administrative complaint na inihain nitong Martes, Sept. 22, 2026, ni Monalie Dizon, Secretary General ng Coalition Against Corruption (CAC), kay Supreme Court Chief Justice Alexader Gesmundo sa pamamagitan ng Office of the Court Administrator (OCA), partikular na tinukoy ang Municipal Trial Court ng (MTC) Sta. Rosa City, Laguna at ang Clerk of Court na si Carmella Callos.

“Ito ay isang seryosong paglabag sa kasunduan ng Philippine National Police at Korte Suprema nang ilunsad ang Enhanced e-Warrant System noong 2020, upang mapabilis ang pag-aresto sa mga may pananagutan sa batas at ang paggawad ng hustisya sa mga biktima ng krimen at karahasan,” ani Dizon.



“Naglabas din ng reminder ang SC-OCA noon pang 2023 para sa istriktong pagsunod ng mga korte sa e-Warrant at lumalabas na binalewala ito ng tanggapan ni Clerk of Court Carmela Callos.

“Posibleng nangyayari rin ito sa iba pang mga korte kaya dapat lang agad maimbestigahan ng Korte Suprema,” dagdag pa ni Dizon.



Nabatid pa ni Dizon na matagal nang problema ng mga Pulis-Sta. Rosa ang hindi pag-update ng Sta. Rosa MTC sa e-warrant system na aabot na ngayon sa halos 6 taon.

Aniya, may personal siyang karanasan sa Sta. Rosa MTC matapos dalawang beses na bigong makakuha ng kopya ng warrant of arrest ang Sta. Rosa City Police Office sa dalawang kaso na siya ang nagreklamo.



Ang unang insidente ay Hunyo 2025, at ang ikalawa ay nitong Hulyo. Sa unang insidente, “dinaragan” pa umano si Dizon ng isang hindi nakilalang court staff sa telepono subalit hindi nakakuha ng kopya ng warrant ang lokal na pulisya.

Sa ikalawang insidente noong Hulyo, nabigo rin ang mga Pulis-Sta. Rosa na makakuha ng kopya ng warrant kahit may formal request mula sa kanilang chief of police.

Dagdag pa ni Dizon, hindi kapani-paniwala ang katwiran nang tanggapan ni Callos na “sira” ang kanilang computer, “kulang” sila sa personero at “hindi” sila “sanay” sa paggamit ng computer.

Sa inilabas na certification ng Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) noong Setyembre 10, kinumpirma na walang problema ang e-Warrant System ng korte at isa lang ang warrant of arrest na ipinoste ng Sta. Rosa MTC noong Setyembre 2.

Ang paglilinaw ng PNP ay batay sa sulat na ipinadala ni Dizon at Volunteer Against Crime and Corruption (VACC) Chairman Atty. Manny Obedoza.

“Dapat lang na mabilis itong aksyunan ng ating Korte Suprema dahil ang nakasalalay dito ay ang integridad at kredibilidad ng ating sistema ng hustisya,” pagtatapos ni Dizon.