Advertisers
KINUMPIRMA ng Department of Migrant Workers (DMW) na walang Pinoy na nasaktan sa drone at ballistic missile attacks na inilunsad ng Houthi militants sa Riyadh, Saudi Arabia, noong Biyernes at Sabado.
Tiniyak din ng DMW na masusi nilang minomonitor ang sitwasyon ng mga Pinoy sa Saudi Arabia upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito.
Siniguro rin nila na handa ang embahada at konsulado na tulungan ang nangangailangang OFWs doon.
Una nang sinabi ni Houthi military spokesman Yahya Saree noong Sabado na isang grupo ang nagsagawa ng military operations at tinarget ang ilang sensitibong site sa Riyadh, gayundin ang Aramco facilities sa Yanbu, bilang ganti sa mga naunang pag-atake sa Sanaa, na kapital ng Yemen.
Pinayuhan naman ng DMW ang mga Pinoy sa naturang bansa na manatiling vigilante at tumalima sa mga safety instructions at advisories na ipinalalabas ng Saudi authorities.
Ang mga OFWs at kanilang pamilya na nangangailangan anila ng agarang tulong ay maaaring kumontak sa Migrant Workers Offices ng DMW sa Saudi Arabia o sa kanilang hotline na 1348 para sa mga nasa Metro Manila, 02 1348 sa nasa labas ng Metro Manila, at +632 1348 para sa mga nasa ibayong dagat.