Advertisers
UMAPELA ang Department of Education (DepEd) ng mas mahigpit na pagbabantay sa paggamit ng social media ng mga kabataan kasunod ng insidente ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato.
Pahayag ni Education Secretary Sonny Angara, ikinatuwa ng ahensya ang mabilis na aksyon ng Department of Information and Communications Technology (DICT) laban sa mga online platform na posibleng ginagamit sa pagre-recruit at pag-impluwensya sa mga menor de edad na gumawa ng karahasan.
Kaugnay nito, pumayag na ang Reddit at Discord na magtayo ng mga tanggapan sa Pilipinas matapos ang ibinigay na 24-oras na palugit ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).
Layunin nitong mapabilis ang koordinasyon ng mga online platform at mga awtoridad sa pagtugon sa cybercrime at iba pang banta sa internet.
Binigyang-diin ni Angara ang mahalagang papel ng mga magulang sa pagbabantay sa online activities ng kanilang mga anak upang maiwasang maimpluwensyahan ang mga ito ng mga grupong naghihikayat ng karahasan.
Binanggit din ng kalihim ang ilang bansang naghihigpit sa paggamit ng social media ng mga batang wala pang 15 o 16 na taong gulang.
Iginiit ni Angara na dapat tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral hindi lamang sa loob ng paaralan kundi maging sa mga digital platform.
Magugunitang ilang insidente na ng karahasan sa mga paaralan ang naitala ngayong taon, kung saan ang ilan ay iniuugnay sa paggamit ng internet.