Advertisers
PIRMADO na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang absolute pardon para kay Mary Jane Veloso.
Kinumpirma mismo ng Pangulo na nilagdaan niya ang pardon para kay Veloso noong Huwebes.
Si Veloso ay nakulong sa Indonesia nang halos 15 taon matapos mahatulan dahil sa drug trafficking case.
Naaresto siya noong 2010 sa Yogyakarta matapos makumpiskahan ng 2.6 kilo ng heroin sa kanyang bagahe.
Mariin namang itinanggi ni Veloso ang paratang at sinabi niyang biktima siya ng human trafficking at nalinlang ng mga nag-recruit sa kanya.
Noong 2015, nakatanggap siya ng huling minutong reprieve mula sa death penalty matapos makiusap ang Philippine government sa Indonesia.
Noong Disyembre 2024, nakauwi si Veloso sa Pilipinas matapos ang mga pag-uusap ng dalawang bansa tungkol sa prisoner transfer.
Dinala siya sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City upang ipagpatuloy ang pagsisilbi ng natitirang bahagi ng kanyang sentensya sa ilalim ng hurisdiksyon ng Pilipinas.
Matatandaang sinuri rin ng Office of the President (OP) ang kanyang hirit para sa executive clemency bago ipinagkaloob ang absolute pardon. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)