NTC, nagkasa ng SCOs, P100K daily penalty vs 3 telco giants dahil sa mahinang mobile broadband service
Advertisers
Walang nakitang measurable improvement ang National Telecommunications Commission (NTC) sa mobile broadband service ng DITO Telecommunity Corporation (DITO), Globe Telecom, Inc. (GLOBE), at Smart Communications, Inc. (SMART) sa National Capital Region (NCR) sa isinagawang September 2026 mobile speed test revalidation.
Ayon sa NTC, kinumpirma ng September results na halos hindi nagbago ang mga naunang naitalang mahihinang mobile broadband signal, kumpara sa validation activities na isinagawa noong first at second quarter ng 2026.
Ito ay sa kabila ng pagkakataong ibinigay sa mga mobile network operator na magsagawa ng urgent corrective measures para tugunan ang mga natukoy na problema sa kanilang serbisyo.
Para sa September revalidation, kabilang sa mga lugar na tinukoy na may concern ang Manila, Makati, at Quezon City para sa GLOBE; San Juan, Pasay, at Las Piñas para sa DITO; at Parañaque, Manila, at Pasig para sa SMART.
Gayunman, sinabi ng NTC na magpapatuloy rin ang performance monitoring sa iba pang bahagi ng NCR.
Naghanda na ang NTC ng Show Cause Orders (SCOs) laban sa tatlong mobile network operators, na may katumbas na P100,000 penalty bawat araw, simula noong Biyernes hanggang sa tuluyang maayos ang natukoy na service deficiencies.
Nakasaad sa Section 17(a) ng Commonwealth Act No. 146, na inamyendahan ng Republic Act No. 11659 o ang The Public Service Act, na awtorisado ang NTC na magsagawa ng imbestigasyon at ipatupad ang compliance sa anumang standard, rule, regulation, order o iba pang requirement ng Komisyon.
Nanindigan ang NTC na nakahanda itong gumawa ng decisive action upang matiyak ang pagsunod sa quality-of-service standards.
Magsasagawa rin ang Komisyon ng bi-weekly re-testing sa mga apektadong lugar upang ma-verify kung naipatupad na ang kinakailangang network improvements. Kasabay nito, magpapatuloy ang monitoring sa iba pang lugar upang masuri ang quality at availability ng mobile broadband services.
Regular na nagsasagawa ang NTC ng performance monitoring bilang bahagi ng patuloy nitong pagbabantay sa kalidad ng telecommunications services, alinsunod sa mandato nitong isulong ang maaasahan, sapat, at de-kalidad na mobile broadband services para sa publiko.