Advertisers

Advertisers

Sara at Mans may 51 baril; ‘di deklarado sa SALN

0 24

Advertisers

May kabuuang 51 baril na nakarehistro sa pangalan ni Vice President Sara Z. Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio, kabilang ang apat na Class A light weapons na may kakayahang pumutok nang sunud-sunod o fully automatic, batay sa mga rekord ng Philippine National Police (PNP) na iniharap sa impeachment trial nitong Lunes.

Nguni’t higit sa dami at halaga ng mga baril, ang pangunahing tanong ng prosekusyon ay kung idineklara ba ni Duterte ang mga ito sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Ayon kay House lead prosecutor at Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, hindi ang pagmamay-ari ng mga baril o ang legalidad nito ang pangunahing isyu kundi kung tapat na isinama ang mga ito sa deklarasyon ng mga ari-arian ng Bise Presidente.



“This is a question of na-declare ba o hindi because we understand that firearms are still properties which must be declared, whether 22 iyan, 29 iyan, 51 iyan,” pahayag ni Luistro sa post-trial press briefing.

Sa kanyang testimonya, sinabi ni Police Maj. Joe Rickson Sangalang, hepe ng Records Division ng PNP Firearms and Explosives Office (FEO), na 22 sa mga baril ay nakarehistro kay Duterte habang 29 naman ang nakapangalan kay Carpio.



Iniharap ni House prosecutor at San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora ang mga rekord bilang bahagi ng kaso ng prosekusyon sa ilalim ng Article II ng Articles of Impeachment na tumatalakay sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte.

“Si Vice President Sara po ay merong 22 firearms. Meron po siyang 14 na pistols, two revolvers, five rifles, of which tatlo po doon ay Class A light weapons, and isa pang shotgun,” pahayag ni Sangalang.



Samantala, nakarehistro kay Carpio ang 16 na pistola, dalawang revolver, isang shotgun at 10 riple, kabilang ang isang Class A light weapon. Isa sa kanyang mga baril ay may paso nang rehistro.

Ayon kay Sangalang, kapwa may hawak na Type 5 license sina Duterte at Carpio na nagpapahintulot sa mga sertipikadong gun collector na magkaroon ng mahigit 15 nakarehistrong baril.

Nang tanungin tungkol sa tatlong Class A light weapons na nakarehistro kay Duterte, kinumpirma ni Sangalang na may kakayahan ang mga ito na pumutok nang tuluy-tuloy o fully automatic.

“Ibig sabihin po nito, ’pag kinalabit po natin iyong gatilyo, sunud-sunod na po iyong puputok,” paliwanag niya.

Batay rin sa mga rekord ng FEO, umaabot sa P7,220,370 ang pinagsamang kasalukuyang market value ng mga baril ng mag-asawa.

Nasa P2,184,550 ang halaga ng mga baril ni Duterte, habang P5,035,820 naman ang halaga ng mga nakarehistro kay Carpio.

Gayunman, naging usapin ang nasabing halaga nang igiit ng depensa na nakabatay ang mga presyo sa kasalukuyang market value at hindi sa aktuwal na halagang ibinayad ng mag-asawa nang bilhin ang mga baril.

Kinuwestiyon din ni Senate President Pro Tempore at Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero ang kaugnayan at bigat ng naturang ebidensiya sa kasong hindi maipaliwanag na yaman.

Dahil dito, inatasan niya ang prosekusyon na paikliin ang presentasyon matapos maglabas ng kaparehong pangamba ang ilang senador na nagsisilbing mga hukom sa paglilitis.

Inamin din ni Sangalang na wala siyang personal na kaalaman sa aktuwal na halaga ng pagbili ng mag-asawa sa mga baril.

Kasunod nito, tinalikuran ng depensa ang cross-examination matapos linawin ni Escudero na ang P7.2 milyong halaga ay batay sa market survey ng FEO at hindi nangangahulugang iyon ang aktuwal na halagang ginastos ng mag-asawa sa pagbili ng kanilang mga baril.

Sa paliwanag ni Luistro, iniharap ng prosekusyon ang mga rekord ng baril upang matukoy kung nakapaloob ang mga ito sa mga idineklarang ari-arian ni Duterte sa kanyang SALN.

Sa paglilitis, binanggit ni Zamora ang Section 34 ng 2025 guidelines sa deklarasyon ng SALN, na ayon sa prosekusyon ay tahasang nag-aatas na ideklara ang mga baril.

Iginiit naman ng depensa na ang 2025 guidelines ay para sa mga SALN na isusumite simula 2026 at hindi maaaring gamitin upang ipataw ang naturang partikular na rekisito sa mga naunang deklarasyon ni Duterte.

Subalit sinabi ni Luistro na kahit sundin ang posisyon ng depensa, kailangan pa ring ipaliwanag ni Duterte kung saan nakatala ang mga baril sa kanyang mga naunang SALN.

“Then the respondent Vice President must be able to explain paano niya dineclare prior to the 2025 guidelines,” ani Luistro.

“Be that as it may, magkaganoon pa man, dapat na-declare ito. Kung hindi man specifically as firearms, where? In which item did they declare these personal properties in their 2025 SALN?” dagdag niya.

Samantala, sinabi ni House impeachment team adviser at tagapagsalita Ace Barbers na hindi pangunahing punto ng prosekusyon ang tinatayang P7 milyong halaga ng mga baril, dahil posibleng saklaw ito ng idineklarang net worth ni Duterte.

Ayon kay Barbers, ang mahalagang usapin ay kung wastong isiniwalat sa sinumpaang SALN ni Duterte ang mga baril bilang bahagi ng kanyang personal na ari-arian.

Patuloy na inihaharap ng prosekusyon ang mga rekord ng baril bilang bahagi ng Article II case nito kaugnay ng alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman at kabiguang tapat na ideklara ang mga ari-arian ng Bise Presidente.