Advertisers

Advertisers

Kumpanyang may ‘47.5% stake’ ang mister… AMLC: P319M MULA CHINA PUMASOK SA CALE88

0 23

Advertisers

INIHARAP ng House prosecution panel nitong Lunes, Oct. 5, 2026, ang testimonya ng executive director ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) upang patunayan na umabot sa P319 milyon ang remittances mula sa mga kumpanya sa China patungo sa Cale88 Foods Corporation, isang kumpanyang sinasabing may 47.5-percent interest ang asawa ni Vice President Sara Duterte na si Manases “Mans” Carpio.

Iniharap ni private prosecutor Atty. Mae S. Divinagracia sa Senado, na nakaupo bilang impeachment court, ang testimonya ni AMLC Executive Director, Atty. Ronel U. Buenaventura, bilang suporta sa Article II ng Articles of Impeachment.

Inaakusahan sa nasabing artikulo ang Bise Presidente ng pag-iipon ng ill-gotten wealth at hindi pagiging tapat sa kanyang mga deklarasyon sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs).



Tinukoy ni Divinagracia ang mga remittance mula China habang pormal na inilalahad sa Senate Impeachment Court ang mga bagay na nais patunayan ng prosekusyon sa pamamagitan ng testimonya ni Buenaventura.

“Money from China poured into a food manufacturing company of her husband,” ani Divinagracia.



Gayunman, sa bahaging ito ng pagdinig, hindi pa nagbigay si Buenaventura ng testimonya hinggil sa mismong laman, konteksto o batayan ng mga transaksyon ng Cale88.

Ayon kay Divinagracia, itinatag ang Cale88 Foods Corporation taon 2021 at hawak ni Carpio ang 47.5 porsyento ng shares nito.



“Ang Cale88 Foods Corporation, na itinatag lamang taon 2021 at 47.5 percent ng shares ay hawak ni Carpio, ay tumanggap ng P319 million na remittance mula sa mga kumpanya sa China,” ani Divinagracia.

Tatlo sa mga remittance ang iniulat ng isang bangko bilang kahina-hinalang transaksyon.

“Tatlo rito ang iniulat ng bangko bilang kahina-hinala: walang legal or trade obligation, walang layunin, at walang katwirang pang-ekonomiya,” dagdag niya.

Hindi tinukoy sa offer of testimony ang mga kumpanyang nagpadala ng pera, ang mga petsa at eksaktong halaga ng bawat transaksyon, o ang idineklarang commercial purpose ng mga ito.

Hindi rin sinabi na ang pera ay direktang pumasok sa personal na bank accounts ni Carpio.

Ang mga detalyeng ito ay kabilang pa sa mga nais patunayan ng prosekusyon sa pamamagitan ng direktang testimonya ni Buenaventura at ng mga rekord ng AMLC.

Inilagay rin ni Divinagracia ang P319-milyong Cale88 remittances sa mas malawak na corporate financial records na nais ding iharap ng prosekusyon sa pamamagitan ng AMLC executive.

“Their companies moved billions more,” ani Divinagracia.

Ayon sa prosekusyon, mula 2022 hanggang 2025, halos P4.5 bilyon ang kabuuang halagang pumasok at lumabas sa 15 korporasyon na sinasabing may interes sina Duterte at Carpio.

Hiwalay ito sa P4.4 bilyong transaksyon na direktang kinasangkutan nina Duterte at Carpio mula 2007 hanggang 2025.

Sinabi ni Divinagracia na hindi bababa sa P1.6 bilyon ang pumasok sa accounts ng mag-asawa, habang hindi bababa sa P1.3 bilyon ang lumabas. May karagdagang P1.4 bilyon naman na hindi matukoy kung inflow o outflow.

Aniya, nakabatay lamang ang mga halagang ito sa covered at suspicious transaction reports na isinumite sa AMLC.

Sinabi rin ni Divinagracia na nanatili sa P4.4 bilyon ang aggregate amount matapos itama ng Bank of the Philippine Islands (BPI) ang tinukoy niyang error sa kanilang reporting system.

Ayon pa sa prosekusyon, unang iniulat ng AMLC sa Kamara Abril 2026 ang halagang P6.77 bilyon.

Ang P319-milyong remittances sa Cale88 ang ika-pito sa 11 subject matter na nakasaad sa offer of testimony.

Kabilang sa iba pang paksa ang P41 milyong cash transactions na iniuugnay kay Carpio noong Agosto 6, 2024; mga tsekeng may kabuuang P14,881,692 na sinasabing si Duterte ang beneficiary; at paulit-ulit na reports na inihain kaugnay sa mag-asawa.

Ayon kay Divinagracia, may 34 suspicious transaction reports sa AMLC file ni Duterte.

Binanggit din niya ang 27 derogatory reports na may kaugnayan kay Duterte at 17 naman kay Carpio. Kabilang sa mga kategorya nito ang graft and corrupt practices, malversation of public funds, posibleng drug links at mga transaksyong konektado sa umano’y anomalya sa flood-control projects.

Iniharap din ng prosekusyon ang testimonya ni Buenaventura upang ipaliwanag kung bakit nagsusumite sa AMLC ang mga bangko, insurance companies at iba pang covered institutions ng mga ulat hinggil sa malalaking cash transactions at kahina-hinalang transaksyon.

“Banks and insurers report these transactions because this is how dirty money moves,” ani Divinagracia.

Dagdag niya, obligado ang mga covered institution na iulat ang malalaking cash transactions at mga transaksyong itinuturing nilang kahina-hinala dahil karaniwang dumaraan umano sa ganitong mga channel ang perang mula sa ilegal na aktibidad.

Kasama rin sa huling layunin ng prosekusyon ang pagpapaliwanag sa kapangyarihan at tungkulin ng AMLC, mga panuntunan sa covered at suspicious transactions, at mga prosesong sinusunod ng konseho sa pagtugon sa mga subpoena ng impeachment court.

Ayon kay Divinagracia, ang mga financial figure na nais iharap ng prosekusyon ay nagmula sa institutional reports na tinanggap, itinago at isinumite ng AMLC sa impeachment court noong Hulyo 30, 2026.

“Every figure comes from the banks’ own reports,” ani Divinagracia.