Advertisers

Advertisers

Sa patuloy na pag-aakusa kay Cayetano sa socmed… PAGLABAG SA ‘CONFIDENTIALITY RULE’ NG OMBUDSMAN IBINATO KAY LACSON!

0 26

Advertisers

NILALABAG na ni Senador Panfilo Lacson ang probisyon ng ‘confidentiality rule’ ng Office of the Ombudsman dahil sa patuloy nitong pampublikong pagpapalabas ng mga pahayag at pag-aakusa laban kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, kahit pormal na nitong naisampa ang mga dokumento sa nasabing constitutional body at nagsasagawa na ng preliminary investigation.

Naglabas si Lacson sa kanyang social media accounts ng isang 25-segundong video snippet mula sa ginagawang joint field inspection ng Office of the Ombudsman, Philippine Reclamation Authority (PRA), Land Registration Authority (LRA), at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Taguig Lakeshore na malinaw na paglabag sa confidentiality rule ng Ombudsman.

Ipinaalala ng mga legal practitioner na sa ilalim ng Republic Act No. 6770 (The Ombudsman Act of 1989) at mga alituntunin sa imbestigasyon ng Ombudsman (tulad ng Administrative Order No. 1, Series of 2026 sa ilalim ng Rule IV, Section 5), ang anumang fact-finding investigation, testimonya ng saksi, at isinumitang ebidensya ay itinuturing na strictly confidential.



Isinasaad sa legal framework na ang probisyong ito ay nag-aatas na panatilihing pribado ang mga detalye ng imbestigasyon habang gumugulong ang opisyal na pagsusuri ng constitutional body.

Binigyang-diin ng mga legal expert na may tatlong pangunahing dahilan ang pagpapatupad ng patakarang ito sa ilalim ng batas, una ay proteksyon laban sa trial by publicity, layunin nitong pigilan ang paggamit sa media o social media upang mag-impluwensya sa pampublikong opinyon habang wala pang opisyal na resolusyon ang imbestigador ng Ombudsman.



Tiyakin ang integridad ng ebidensya upang hindi maiimpluwensyahan ang mga saksi at hindi maipangungunahan o mababago ang mga documentary at physical evidence.

At tiyakin ang karapatan sa due process, pinoprotektahan nito ang karapatan at reputasyon ng sinumang iniimbestigahan laban sa premature exposure at unfair public judgment habang wala pang opisyal na hatol.



Dahil pormal nang nagsumite si Lacson ng mga dokumento sa Office of the Ombudsman, na dinadawit si Cayetano at ang pamahalaang lokal ng Taguig sa sinasabing mga iregularidad, binigyang-diin ng mga legal observer na sakop na ito ng strict confidentiality protocols at imbestigasyon ng nasabing tanggapan.

Dahil dito, ang patuloy na pagpapakalat ni Lacson ng mga pinagputol-putol na inspection video at pampublikong pag-akusa sa social media ay itinuturing na usaping nakakasirang-puri sa pormal na proseso ng batas.

Ayon pa sa mga legal practitioner, ang pagsasapubliko ng imbestigasyon sa pamamagitan ng social media at pagpasa ng hatol sa publiko sa halip na ipaubaya ang pagpapasya sa Ombudsman ay hayagang sumasalungat sa layunin ng batas na mapanatili ang patas, malinis, at may kredibilidad na imbestigasyon.

Ang sigalot sa pagitan ng dalawang senador ay nagsimula nang ihayag ni Lacson ang kanyang mga natuklasan ukol sa umano’y 32 “ghost” flood control at slope protection projects sa lungsod ng Taguig na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso, gayundin ang sinasabing iligal na pagtatambak sa humigit-kumulang 170 ektarya ng Laguna Lake. Sa pamamagitan ng kanyang mga pagsisiwalat, idinawit ni Lacson ang pamilya Cayetano at ang pamahalaang lokal ng Taguig.

Sa kabila ng mga akusasyong ito, mariing itinanggi ng pamahalaang lungsod ng Taguig at ng kampo ni Cayetano ang mga alegasyon matapos lumabas sa mga pormal na pagdinig sa Senado na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang pambansang ahensya, at hindi ang Taguig LGU, ang pormal na proponent ng mga infrastructure at reclamation projects sa kahabaan ng lakeshore. ###