Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
Naghatid ng mensahe ng pag-asa at pananampalataya ang bandang InnerVoices sa paglulunsad ng sarili nitong bersiyon ng klasikong awiting pamasko na “O Holy Night” sa Noctos Music Bar noong Oktubre 23.
Sa pamamagitan ng sariwang interpretasyon, layunin ng banda na muling bigyang-diin ang makabuluhang mensahe ng awitin tungkol sa pag-ibig, kalayaan at kaligtasang hatid ng pagsilang ni Hesukristo.
“Sa panahong ito na maraming pinagdadaanan ang ating bansa, we need a song to uplift our spirit. A song about hope, faith, love, freedom and salvation. A reminder to us about the true essence of Christmas, which is the birth of Jesus Christ and His love for humanity,” ani Atty. Rey.
Binigyang-buhay ng InnerVoices ang klasikong awitin sa pamamagitan ng mga karagdagang liriko na higit na nakasentro sa pagpupuri sa Diyos, habang pinangangalagaan ang sagradong mensahe ng orihinal na komposisyon.
Para sa banda, higit pa sa isang awiting pamasko ang “O Holy Night.” Isa itong paalala na sa kabila ng mga pagsubok, mahalagang panatilihin ang pananampalataya, malasakit sa kapwa at pag-asang maghahatid ng mas mabuting kinabukasan.
Matapos ang live launch sa Noctos Music Bar, inaasahang mas maraming tagapakinig ang maaabot ng kanilang bersiyon sa pamamagitan ng social media at iba pang digital platform tulad ng Spotify.
Sa pamamagitan ng kanilang bagong handog, umaasa ang InnerVoices na makapagbigay ng inspirasyon at maiparating sa mas maraming tao ang tunay na diwa ng Pasko.
Ang Innervoices ay binubuo ni Atty. Rey at nina Patrick Marcelino (vocals), Rene Tecson (guitar), Rey Bergado (keyboard), Alvin Herbon (bass), Joseph Cruz (keyboard & vocals), at Joseph Esparrago (drums, percussion, at vocals).