Advertisers
ISINUSULONG ni Senate President Win Gatchalian ang pagpasa ng panukalang batas na magbabawal sa mga kamag-anak ng mga opisyal ng pamahalaan na makakuha ng mga kontrata sa gobyerno upang maiwasan ang conflict of interest, mapalakas ang integridad sa serbisyo publiko at masugpo ang korapsyon.
“Importante na maisabatas natin ito sa lalong madaling panahon para masiguro natin na ang pondo ng bayan ay napupunta sa mga programa at proyekto na makakatulong sa taong-bayan at hindi lang sa mga kamag-anak ng mga nasa kapangyarihan,” ani Gatchalian.
Kamakailan inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill 1962, o ang Government Contracting and Procurement Integrity Act. Si Gatchalian ay isa sa mga co-author ng naturang panukala.
Ipinagbabawal ng naturang panukala ang mga kamag-anak hanggang sa ikaapat na antas ng civil degree ng consanguinity o affinity na pumasok sa mga kontrata sa mga ahensya ng pamahalaan kung saan ang kanilang mga kamag-anak ay nagsasagawa ng opisyal na tungkulin.
Inaasahang magiging isang mahalagang batas laban sa korapsyon kapag naisabatas na, layunin ng SB 1962 na pigilan ang mga pamilya na umiwas sa mga alituntunin sa procurement upang makakuha ng mga proyektong imprastraktura, lalo na sa gitna ng mga kontrobersyang kinasasangkutan ng mga proyekto para sa flood control.
Kabilang sa mga sakop na pampublikong opisyal ang mga inihalal na lokal at pambansang opisyal, mga Cabinet secretary, matataas na opisyal ng pamahalaan, mga opisyal at miyembro ng GOCC, at mga opisyal ng mga pamantasan ng estado. (Mylene Alfonso)