Advertisers
ITINUTULAK ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Kongreso ang reporma sa pension system ng military at uniformed personnel.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na ang hakbang na ito ng pangulo ay upang mailigtas sa napipintong pagbaba ng pondo para sa pension system para sa mga retiradong mga sundalo at iba pang uniformed personel na magre-retiro din sa hinaharap.
Sakop ng isusulong na pension system reform ang pagkakaltas na ng kontribusyon sa mga aktibo at mga bagong pasok sa military service at ng iba pang unipormadong kawani.
Paliwanag ni Diokno, na ang sistema ngayon ay inaasa lamang sa taunang budget ng gobyerno ang pension para sa mga retiradong militar at uniformed personnel pero wala namang kinakaltas na kontribusyon mula sa mga ito.
Hindi aniya katulad sa mga kawani ng gobyerno at pribadong sektor na kinukuhanan ng kontribusyon sa Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) para sa kanilang pension.
Sa katunayan pa nga ayon sa kalihim na ngayong taon naglaan ang pamahalaan ng P120 hanggang P130 bilyon pondo sa pension para sa mga retiradong sundalo at uniformed personnel.