Advertisers
MABUTI ang maraming kaibigan na matatakbuhan sa oras ng pangangailangan. Minsan higit ang kaibigan sa kapatid dahil madalas na ito ang nahihingahan ng problemang dala. Nariyan ang tenga na masasabi ang nadarama, nariyan ang balikat na masasandalan na kailangan sa oras na ubos na ang lakas. May pagkakataon na ‘di makatayo sa bigat ng dinadala at dagli nariyan sa tabi ang kaibigan na aakay sa pagtayo o paglakad. Sa oras na makalakad nakaantabay na magawa ang dapat gawin at inaabangan ang bawat hakbang upang sa oras ng pangangailanga’y nariyan. Sa oras na nagagawa ang dapat, makikita sa tabi na akala mo’y alang paki ngunit nakamasid. Dahil ang tunay na kaibigan na kahit wala sa tabi, dama ang pag-aalala sa kaganapan.
Ang matagal na pagkakaibiga’y pinapanday ng panahon at maraming pagsubok ang dinadaanan. Nagkakagalit dahil sa maliit na bagay na halos paghiwalayin. Ngunit ang matagal at sinubok na samaha’y ‘di nalilimutan dahil panahon, pawis, dugo maging ang pagkatao ang naging puhunan. Nalilimutan ang maliliit na tampuhan na kapag inisip ang masasayang pinagtatawanan, usapan na ‘di kailangan na maging pormal. Nahihilot ang mga kaibahan sa usapin at isa- isang lumilisan sa oras na muling nagkita. Dahil kilala ang kilos, gawi at asal hindi na kailangan na magsuyuan at ang magka tama ang mata’y sapat upang maglaho ang ‘di pagkakaunawaan. Ito’y tunay ‘di lang sa mga indibidwal na tao maging sa mga bansang malalim ang pinagsamahan. Parang beer at isang platitong mani’y ayos na.
Sa takbo ng panahon, ang pagkakaibiga’y isang pangarap na lang na makukuha sa pagbibigay ng bagay na magagamit ng isa para sa pag-unlad, ang gawaing makasaya sa kaibigan ang ginagawa. Ngunit sa pagkakataon na may magawang labag sa paniniwala, nariyan na isasantabi ang nakaraan at napipilitang putulin ang relasyon. Sa oras na maputol ang pagiging malapit na kaibigan nariyan na nakakatagpo ng iba na nagpapakita ng maayos na pakikitungo. Sa umpisa ng pakikipag kaibigan nariyan na ibinibigay ang halos lahat ng kailangan at ipinapakita kuno ang kahalagahan. Ngunit sa isang banda tila binibitag upang makuha ang nais. Hindi pinaghihinalaan ngunit silip ang pagiging agresibo na makuha ang loob ng bagong kaibigan para sa nais.
Ang pagpapakita ng kabaita’y panlabas lamang at ang motibo’y masiguro na ‘di makakaayaw o makahindi sa nais ng bagong kaibigan. May kapalit ang mga naiabot na tulong na akala’y at walang kapalit. Ngunit hindi ganun ang nasaisipan sa halip may interes itong isinusulong para makuha ang simpatya sa takdang oras. Ang mga nabigay na tulong sa una’y sisingilin sa kalaunan na masabing ‘di makaaayaw ang kaibigan na ibinaon sa utang na loob. Sa pagtagal ng panahon, mapapansin na tila kampante itong kumilos sa mga pag-aari ng kaibigan na kahit ang tahanan nito’y napasukan o pinasukan ng mga bagay na makasasama sa anak o sa pamilya. Di ba nariyan na ang POGO..
Lumaon ang panahon, ‘di na lang ang tahanan ang pinasukan, maging ang ilang mahahalagang pag-aari’y inangkin ng ‘di napansin at sinasabing ito’y ‘di sa kaibigan. Sa kawalan ng kibo ng kaibigan, hayun maging ang mga anak nito’y ‘di na makakilos sa sariling bakod. Nariyan na itinataboy sa dahilang naiayos na ito ayon sa pagnanais. At maraming pagkakataon na ang mga anak ay ‘di na pinapayagang maglaro sa lugar dahil may mahahalagang bagay ang masisira o masisilip, na malaki ang epekto sa balak nito.
Sa pagtakbo ng panahon, tila totoo ang kasabihan na walang forever dahil ang pagkakaibiga’y magtapos dahil sa nawalan ng pakinabang ang isa sa isa. Ang kahinaan ng kabahagi’y ang dahilan upang maghanap ng bagong magagantso upang maipagpatuloy ang mga balakin na ‘di natapos. Ang kawalan ng silbi’y ramdam lalo’t ‘di na napapasama sa mahahalagang pagtitipon ng mga kaibigan. Ang masakit, hindi kasing tono ng dating kaibigan ang pumalit at makiling sa unang dating kaibigan. Sa pagpalit o pagbalik sa dating kaibigan nariyan na medyo iba ang dating na tila nagpakita na malakas at kayang itaboy ang kaibigang may ibang layon.
Sa pagpasok ng bagong kakaibiganin, ‘di pa man nagtatagal sa upuan nariyan na sinusubok sa kilos ng panunuwag sa mga anak na naghahanap buhay sa sariling bakuran. Ang masakit katatapos pa lang nitong makipagkita sa ama ng kapitbahay ngunit nariyan na tinaboy at binasa ang mga anak ti’ Batac. Sa pagtatasa mukhang nakukulangan ang kaibigang sa kilos ng kaibigan at nagpahiwatig na malakas ito at magagawa ang ibig. Ngunit tulad ng sinaad sa una, hindi nawawala ang mata ng unang kaibigan na pinaalis sa bakuran ngunit ‘di nagtampo at handa na muling ibalik ang malalim na pagkakaibigan.
Sa puntong ito, naramdaman ng kaibigang mapang isa ang makiling na pakikipag-usap sa dating kaibigan ng bagong kausap. At nagigiliwan na muling painitin ang ugnayan sa dating kaibigan sa pamamagitan ng muling paglalaro ng mga anak nito sa sariling bakuran. Paglalaro na kakikitaan ng galing kung paano maipagtatangol ang sarili sa anumang panganib. Ang masakit, makikita ang mga pinagtatayong kubol na taguan ng anak ni Onse. At sa paglalaro ng matalik na magkaibigan, kinakabahan ang mga anak ni Onse na malantad ang laman ng mga kubol na nakatayo. At dito magkakabukuhan kung ano ang gamit na meron ang mga kubol na himpilan ng mga anak ni Onse.
Dahil dito, nagpahiwatig ang mga bata ng kaibigang mapang-isa na muling mag-usap sa ngalan ng diplomasiya. Hindi pag-uusapan ang mga masamang nakaraan sa halip nais baguhin ang usapin sa ngalan ng kagalingan ng dalawang panig. Itatabi ang ‘di mga magandang kaganapan at uunahin ang mapapakinabangan ng magkaibigan. At ang usapan sa pagitan ng magkaibigan at walang pakiaalam ang ‘di partido. Ngunit tila nagising ang bagong kinakausap dahil ang ibig nito’y ibang tao / partido na makabahagi ng mapalawak ang sakop ng pag-uusapan. At ito ang hindi nais ng kaibigang mapagsamantala. Sa pagkakataon na di maisulong ang usapan, may pangamba na magalit ang kaibigan at buntalin ang bagong kausap. Ngunit nasilip ang tayong ito kaibigan at pinaghahandaan ang kilos at tugon na gagawin. Sa totoo lang, ingat na magsara ng pangako sa mang-iisang kausap at sa halip isusulong ang malawak na laro kasama ang mga kalaro sa Balikatan. At tila may abiso sa mga anak na nakikipag-usap na ingatan ang mga salitang bibitawan upang ‘di masilo ng mapang lilong kaibigan. Tunay na nag-iingat sa karanasan sa nakausap.
Maraming salamat po!!!