Gulo sa clearing operations sa pagitan ng MMDA at Manila, naresolba na!
Advertisers
“ALL is all well that ends well.”
Ganito inilarawan ni Manila Mayor Honey Lacuna kung paano naresolba ang suliranin sa pagitan ng Manila local government unit (LGU) at ng Metro Manila Development Authority (MMDA), at ito ay kaugnay ng clearing operations sa mga kalye na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng LGU ng Maynila.
Ikinatuwa ni Lacuna ang pangyayari at pinasalamatan si third district Representative Joel Chua, kung saan ang mabilis na aksyon, kasama si Rep. Rolan Valeriano (2nd district), ay nauwi sa pagkakalutas ng suliranin.
Matatandaan na nanawagan pa si Rep. Chua na buwagin ang MMDA dahil sa panghihimasok nito sa hurisdiksyon ng lungsod.
Sa kanyang pagsasalita nang dumalo sa “MACHRA’s Balitaan sa Harbour View” ng Manila City Hall Reporters’ Association, sinabi ni Chua na naresolba na ang kaguluhan nang kilalanin ng MMDA ang kapangyarihan ng Manila LGU at kung saan lang din ang kanilang awtoridad.
Pinalagan ni Chua, na isa ring abogado ang MMDA nang magsagawa ng clearing operations kahit sa mga lugar na hindi naman kabilang sa ‘Mabuhay Lanes.’
Matatandaan na si Chua kasama si Rep. Valeriano ay sumugod upang ayudahan ang mga nagrereklamong barangay officials at residente ng Fugoso at Natividad Streets sa third district, matapos na magsagawa ang MMDA ng clearing operations sa nasabing lugar at maging ang mga scaffoldings ay kinumpiska at pati na mga motor ng Grab delivery service.
Nag-viral ang nasabing insidente na sinundan ng Congressional hearing dahil sa nasabing usapin.
Sinabi ni Chua na dahil sa mga pag-uusap, ang MMDA at ang city government ay nalaman na ang mga lugar na bumabagsak sa kani-kanilang hurisdiksyon at kapangyarihan at ang limitasyon ng kanilang nasasakupan ay maliwanag na rin.
Binigyang diin ni Chua na ang mandato ng MMDA ay bilang isang coordinating body lamang habang ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na nagsasagawa din ng clearing operations, ay direkta sa ilalim ng LGU at may kapangyarihan pagdating sa nasabing usapin. (ANDI GARCIA)