Advertisers
Nakatakas ang 10 detainees habang bugbog-sarado ang bantay na pulis sa Malibay Detention Facility sa Barangay 152, corner Rodriguez St. at Apelo St., Malibay, Pasay City 4:30 ng madaling araw.
Kinilala ang mga presong nakatakas na sina Richard Dela Cruz; Carlo Magno Benavidez; Christian Salvatierra; Norman Deyta; Joey Hernandez; Eden Garcia; Tirzo Galit; Joseph Osorio; John Michael Cabe at Joshua Pananiban.
Sa mga nakatakas, naibalik sa selda ang apat, sina Hernandez, Garcia, Galit at Panganiban.
Nilinaw naman ni Col. Froilan Uy, hepe ng Pasay City Police na boluntaryong sumuko ang tatlong bilanggo sa Noble St., Pasay City.
Sa ulat, nagawang baklasin ng detainees ang maliit na bintana sa detention cell kung saan nakalabas ang tatlo sa kanila.
Kinatok ng tatlo ang bantay na pulis na si PSgt Aris saka inagawan ng baril na itinutok mismo sa kanya, kinuha ang susi ng selda para palabasin ang pitong iba pang PUPC at kinuha pati ang mga pera ng pulis na na overpower ng tatlo.
Bugbog-sarado ang pulis sa paddle na ginamit sa kanya ng mga detainees.
Sangkot ang mga tumakas na detainees sa iba’t-ibang kaso tulad ng illegal gambling, illegal possession of arms and ammunitions at possession of illegal drugs.
Tiniyak ni Malibay Substation 6 Commander PMaj Jerry Sunga na kasalukuyang nagsasagawa ng hot pursuit operation sa mga puganteng detainees, at pinag-iingat ang mamamayan sa maaaring masamang gawin ng mga takas.
Nag-deploy na rin ng tracker team mula sa SS-6, Intelligence Unit, SDEU, IDMS at iba pang Substation ang Southern Police District para sa ikadarakip ng mga takas na prisoners under police custody na kinilalang sina Carlo Magno Buenavidez ng Bgy. 171, Malibay, violation ng RA 9165; Josep Osorio ng de Guzman St. Bgy. 177, Malibay (9165) ; Christian Salvatierra ng Tramo Riverside Bgy. 156, Malibay (9165); Joey Hernandez Gabriel ng Malibay (9165); Eden Garcia ng Malibay (9165); Joshua Panganiban ng Bgy. 179 , Maricaban (robbery); John Michael Cabe ng Bgy. 184, Maricaban (carnapping) ; at Norman Deyta ng Apelo Cruz St., Malibay (9165) at Tirzo Galit ng Bgy. 145 (robbery) pawang taga-pasay City; at Richard dela Cruz ng del Pilar St., Cabanatuan City, Nueva Ecija (9165).
Unang pinapupuntahan ni Pasay City Police Chief PCol Uy ang mga pamilya ng mga takas dahil sa malaking posibilidad na hihingi ng tulong sa kanila ang sampong pumuga.
Samantala, ipinag-utos ni Metro Manila police chief Maj. Gen. Edgar Alan Okubo na sibakin sa pwesto ang station commander ng Malibay Sub-Station 6 sa Pasay City kasunod ng pagtakas ng 10 preso.
Sinibak sa pwesto si Police Maj. Jerry Sunga. Isasailalim din siya sa administrative investigation kaugnay ng insidente.
“I already ordered the District Director of Southern Police District and the chief of police of Pasay City to form tracker teams that will conduct manhunt operations for their recapture. They were also instructed to resolve this incident within 48 hours,” ani Okubo.
“Kung mayroon man po kayong impormasyon sa kinaroroonan ng mga nabanggit na tumakas ay ipagbigay alam agad sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya. Maari rin po ninyo itong i-report sa mga numerong: 09568005277 (Globe), 09985987922 (Smart) PASAY TOC at DTOC sa numerong 09173661036”, ayon kay PBGen Kirby John Brion Kraft, Director, Southern Police District (SPD).(Gaynor Bonilla/Jojo Sadiwa)