Advertisers
Matapos isailalim sa mas pinaluwag na alert level ang NCR ay para namang uhaw na uhaw sa pangongolekta ng intelihensya ang mga nagpakilalang ‘kolektong’ ng National Capital Region Police Office o NCRPO itong sina alyas Elmer at Romy Lakay sa mga bahay aliwan sa kahabaan sa kahabaan ng Quirino avenue, Airport Road at Roxa Blvd sa Pasay City at Parañaque City.
Wala umanong habag at konsensya itong nagpapakilalang “kolektong” ng NCRPO gamit ang malinis na pangalan ni NCRPO Chief, Police Major General Edgar Alan Okubo.
Ayon sa reklamo ng mga may-ari ng mga DISCO KTV BAR na hindi natin papangalanan bilang proteksyon na rin sa kanila ay puwersahan umano silang hinihingan ng P30,000 bilang “weekly payola” nina alyas Romy Lakay at Elmer namay pananakot na i-raid sila ng R2 at RSOG mga striker umano ng NCRPO kapag hindi sila nakapag-bigay sa halagang hinihingi.
Kinondena naman ng mga night club owner ang ginawang pangongotong nina alyas Elmer at alyas Romy Lakay sa mga beer house na pansamantalang pinayagan ng LGUs sa nasabing mga siyudad para kumita ng kaonting pera habang hindi pa natatapos ang pandemya.
Marami sa mga may-ari ng bahay aliwan at mga tauhan nila ang nagutom at nawalan noon ng hanap buhay dahil sa sunod-sunod na lockdown dulot ng salot na Covid-19 na sinasabing ngayon pa lamang bumabangon na imbes na tulungan unawain ay kino-kotongan pa.
Walang kapatawaran ang mali at garapal na gawaing ito ayon sa ilang barangay official sa mga nasabing lungsod na nakapanayam ng inyong lingkod.
Ang mga ganitong pangongotong ay gawain lamang ng mga walang konsensiya at batugang tao.
Posibleng nagamit lamang ni alyas Elmer at alyas Romy Lakay ang malinis na pangalan ni NCRPO Chief, Okubo na di kapani-paniwalang papatol sa ganito kagarapal na diskarte.
Hinihiling din ng ilang barangay officials kay NCRPO Chief Okubo na arestuhin sina alyas Elmer at alyas Romy Lakay na nang name-drop sa kanyang pangalan.
Hinihikayat din ng mga barangay officials ang iba pang posibleng kinokotongan nina alyas Elmer at Romy Lakay na magsumbong sa mga barangay upang maidukomento ang reklamo nila laban sa kotongero.
Pwede rin umanong direktang magreklamo sa tanggapan ni NCRPO Chief Okubo sa Camp Bagong Diwa Bicutan Taguig City at PNP Integrity Management and Enforcement Group (IMEG) sa Camp Crame na responsable sa panghuhuli at pag-aaresto sa mga nangongotong.
Laan umanong tulungan ng mga barangay officials ang kaawa-awang may-ari ng mga Disco KTV Bar na magsampa ng reklamo laban sa mga abusado at tiwali sa tanggapan ng NCRPO at IMEG.
Napag-alaman na P30K kada lingo bilang “payola” ang hinihingi ni alyas Romy Lakay at alyas Elmer na nagpakilalang sagradong mga bata ng NCRPO sa mga may-ari at OIC ng mga bahay aliwan sa Parañaque at Pasay.
Sinasabing, “KOLEK-TONG AT LARGE” itong si alyas Romy Laky at alyas Elmer sa lahat ng illegal vices sa Pasay at Parañaque lalo na sa mga Sauna Bath, SPA-kol at 1602.
Ang ibig sabihin ng kolek-tong at large ‘ay ‘yung namamahala sa koleksiyon mula sa iligal vices tulad ng bahay aliwan na nagpapalabas ng malaswang panoorin, SPA-kol at iligal na sugal sa lungsod ng Pasay at Parañaque.
Samantala isang alyas Bernardino naman ang itinuturong ‘kolektong’ ng mga operator ng pergalan (perya-sugalan) sa metro manila.
Kumbaga, limpak-limpak na kuwarta na ang nakukuhang “weekly payola” nitong sina alyas Elmer, alyas Romy Lakay at alyas Bernardino sa kabang yaman ng kanilang inginungusong bossing sa NCRPO?
Aba, NCRPO Chief, Okubo Sir, kung may iligal arestohin at paano nga pala nakakalusot sa inyo ang ganyang kostumbre or shall we say ‘raket’ ?!
Subaybayan natin!
***
Suhestyon at Reaksyon mag-email lang sa balyador69@gmail.com. – Ugaliin ring makinig sa programang “BALYADOR” mula lunes hanggang biyernes 11:00am-12:00noon sa RADYO NG MASA entertainment net radio. tuwing miyerkules 9:00am-10:00am sa 96.9 FM Radyo Natin Calapan City, Oriental Mindoro at tuwing Sabado 9:00am-10:00am sa DWBL 1242 kHz AM Mega Manila. Mapapanood live sa Facebook at Youtube chanel.