Advertisers
Patay ang isang lalaki nang paulanan ng bala ang minamanehong kotse sa kahabaan ng Tomas Mapua kanto ng P. Hererra St., Sta.Cruz, Maynila nitong Biyernes ng hapon.
Sa inisyal na impormasyon mula kay Major Arnold Echalar, hepe ng Alvarez Police Community Precinct (PCP), 1:18 ng hapon ng mangyari ang pamamaril.
Ayon sa report, sakay ng kulay asul na kotse, may plakang NHB-5517, ang mga biktimang sina Ronaldo, 40 anyos, driver; at Minerva, 41.
Hindi pa ibinigay ang buong pagkakilanlan ng mga biktima dahil kasalukuyan pang iniimbestigahan ang insidente.
Ayon kay Echalar, sa inisiyal na pahayag ng babaeng biktima, magkaibigan sila ni Ronaldo.
Mabilis namang nakatakas ang salarin, pero nakuha na ang pangalan nito pero hindi muna ito isinapubliko dahil nagsasagawa pa ng hot pursuit laban dito.
Sakay ng kulay puting Fortuner, may conduction steaker na Z3B871, ang gunman na nakita base sa nakuhang CCTV footage sa lugar.
Mayroon narin, aniya, silang nakikitang anggulo sa pamamaril nguni’t hindi pa ito ibinunyag ni Echalar.
Sa mga nagkalat na basyo ng bala sa pinangyarihan ng insidente, gumamit ng 9mm na kalibre ng baril ang gunman.
Habang isinusulat ang balitang ito, sinabing namatay sa pagamutan si Ronaldo dahil sa mga tama nito, habang hindi naman tinamaan ng bala si Minerva dahil agad itong nakababa ng kotse habang sunod-sunod na pinaputukan si Ronaldo.
Nanawagan si Echalar sa mga kinauukulan na i-hold ang naturang sasakyan na ginamit ng suspek sakaling mamataan.
Inaalam ng pulisya kung love triangle ang motibo sa pamamaril.(Jocelyn Domenden)