Advertisers
SORRY po, pero sa tingin ko, pulubi ang tingin ng gobyerno sa ating senior citizens, kasi ano na lang ang mabibili ng Php100K na cash gifts, ito ay kung maswerteng umabot ng sandaang taon.
Lalabas, Php1,000 kada isang buwan ang “pagmamahal” ng gobyerno sa centenarians na pagkilala raw sa kanilang mahahalagang ambag sa bansa noong sila ay kasiglahan at kabataan.
E kulang pam-blowout sa mga apo o pampagamot ni Lola at Lolo ang Php100K, pero ang ating magagaling na lawmakers, e naalaala ko yung sinabi ni Aling Miriam, limpak-limpak na milyon ang kinita ng mga senador sa kainitan ng impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona na napatunayang walang kasalanan sa mga bintang na ill-gotten wealth.
Maging generous naman kayo dyan, lalo na ang mayayamang LGUs, bigyan nyo ng Php100K ang centernarians nyo, at ang mga umedad ng 80, bigyan ng Php20K, at pag 90, bigyan ng Php10K, at pag 100, itodo buhos ang Php100K.
Ganyan para totoong-totoo ang pagkilala nyo sa ating mga seniors, at sa House at Senado, aba, gawing nyong ONE MILLION pesos ang cash gift — na sa totoo lang, hindi na naman gaanong mapakikinabangan ‘yun ng isang centenarians! *** Sabi ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. magkakaroon ng reorganization sa kanyang Cabinet at posible, i-appoint niya ang magagaling pero natalong kandidato sa nakaraang eleksiyon.
Sa totoo lang, maraming Cabinet member ni PBBM ay dapat nang sibakin kasi, wala talagang naipakitang galing sa trabaho, hello po, Transportation Sec. Jaime Bautista, ready na po ba kayong mag-evacuate?
Pwede po ba tayong magrekomenda, Pangulong Marcos at ibalik sa puwesto si dating Agriculture Sec. Manny Pinol, mahusay po at talagang may malasakit sa mga magsasaka at mangingisda at poultry at livestocks producer ang mamang ito.
Alam ni Sir Manny Pinol kung paano aayusin ang agri sector para matamo na ang ating inaasam na food security.
Si Yorme Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ay pwede rin naman pong ipuwesto, mahusay, maraming skills, crisis manager at may malasakit sa tao.
Sa Health, pwede po si Doc Willie Ong o kaya si Atty. Larry Gadon na dating hospital administrator, opo, kasi kahit hindi doktor pwede sa DOH kasi ang trabaho e ayusin, pamahalaan at pahusayin ang health services sa mamamayang Pinoy.
Sa Energy, sa DICT, sa DILG, sa DOLE, at iba pang departamento, hehehe alam na alam naman nyo po ang naging trabaho ng inyong alter ego.
Basta ang balita, maraming ulo ang gugulong sa reorganization ni PBBM. *** Sa hearing sa Senado at House, lumalabas palpak talaga ang anti-illegal drugs campaign ng PNP at ng PDEA, kasi lumilitaw, matataas na opisyal ang sangkot sa pagtatago, pag-iimbak at pagbebenta ng ilegal na droga.
Aba, yung dating takot na drug lord at pusher e tumapang nang mawala si Tatay Digong.
Nawala ang fear factor na epektibo sa mga walanghiya!
Pero isang kaibigang police station chief, magaling ang teknik niya para sa anti-illegal drugs information campaign.
Sa mga miting sa barangay, ito ang sinasabi niya sa mga addict at pusher: Pag nakulong kayo, ang maganda nyong misis, magkakaroon ng bagong jowa at ang makukulong ay yayariin ng mga preso, “tutumbungin,” o kaya ay “isusupot.”
Pag babae ang makukulong, may kapalit agad na kabit si mister; pag si mister ang sumabit, si misis may iba nang kakandong; at ang mga lalaya, hahantingin uli.
Ayun sa kanyang lugar, ang daming tumino, sabi ng kaibigan kong police colonel. *** KUNG suspek — ibig sabihin, di pa napatutunayang kriminal nga — maaari na ba, at matibay itong dahilan para kanselahin ang kanyang pasaporte?
Naitanong ko ito, kasi, ire-request daw ni Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na kanselahin na ang passport ni Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo ‘Arnie’ Teves — na tinanggihan daw ng East Timor ang kahilingang asylum.
Mali ito, sabi ni Atty. Ferdinand ‘Ferdie’ Topacio, kasi hindi naman takas sa batas si Teves at ito ay suspek pa lamang, di pa napatutunayang ‘utak’ nga sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Eto ang sabi ni Atty. Topacio: kung ang may pasaporte ay takas sa batas (fugitive from justice) at kung may hatol na, yung may final judgement, ibig sabihin, sinabi ng Supreme Court na guilty nga, pwede nang ibasura ang pasaporte.
O kaya, nakuha sa ilegal na paraan o tampered o may ginalaw o may binago sa pasaporte, may basis na kanselahin iyon.
E, wala ni isa sa mga dahilang ito mayroon sa kaso ni Teves, at ayon sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, kasong katiwalian (graft) ang balak na gawin ng panyero at kapwa Cavitenong si Sec. Boying.
At si Teves, e suspek pa lang, at balak pa lang kasuhan ng marder sa pagpatay kay Gov. Degamo — na akusasyong mariing itinatanggi ng kongresista!
Parehong de kalibreng abogado sina Sec. Boying at Atty. Ferdie kaya exciting ang magiging bakbakan sa korte sa oras na magsimula ang pagdinig sa kasong ito — na kaabang-abang!
‘Yung pong ama ni Sec. Boying ay si dating Gov. Juanito ‘Johnny’ Remulla Sr. na bespren niya si dating Imus Councilor Atty. Arturo ‘Pogi’ Topacio.
Buddy-buddy ang dalawa, at ang alam natin, gayundin sina Sec. Remulla at Atty. Ferdie na, aniya, walang personalan sa kanila ng magaling nating justice secretary.
“Bilang lead counsel ni Cong. Teves, tungkulin ko na idepensa siya at si Sec. Panyero Boying ay tungkulin naman niya i-prosecute ang sinoman na sa paniniwala niya ay lumalabag sa batas.” sabi ni Atty. Ferdie.
Sabi pa ni Atty. Topacio, lahat ng dapat na mangyari sa kaso ni Cong. Teves ay sa ngalan ng due process of law.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.