Advertisers
TIMBOG ang dalawang illegal recruiters na nambibiktima sa Facebook nang magkasa ng entrapment operation ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kanilang tanggapan sa Paco, Maynila.
Kinilala ang mga inaresto na sina Marisa Rumabaoa Ursulum at Michelle Dichoso.
Ayon sa NBI, Hunyo 9 nang nakipag-ugnahan ang hindi pinangalanang complainant nang makita niya sa FB na aktibong nagre-recruit ng trabaho sa abroad ang isang “Asarim Rumabaoa”.
Sa pamamagitan ng Facebook messenger, kinontak ito ng complainant at nagpakilala ang suspek na konektado sa Hard Earned Opportunities, Inc., na isa umanong lisensyadong recruitment agency. Nangako ang suspek na maipapadala siya sa Korea at magtatrabaho bilang mangingisda na may suweldong $400 kada buwan.
Unang nagtungo ang biktima sa opisina ng mga suspek sa may Paco nitong Hunyo 13 kungsaan hiningian siya ng P35,000 bilang processing fee.
Pero nagkaroon ng pagdududa ang complainant nang walang makita na mga certificates o lisensya na nakasabit sa naturang opisina kaya nagpaalam ito at sinabing babalik na lamang kinahapunan.
Agad na nag-search ang biktima sa opisyal na address ng Hard Earned Opportunities Inc. at nang makita niya ay nagtanong siya kung may kaugnayan ang isang Marisa Rumbaoa Ursulum sa kanila, na sinabi ng mga staff na hindi nila ito tauhan habang wala rin silang job order para sa mangingisda sa Korea.
Dito na dumulog sa NBI ang biktima, kaya naikasa ang entrapment operation kinahapunan.
Bumalik sa unang pinuntahang tanggapana ng biktima at iniabot ang dalang marked money sa sekretaryang si Dichoso. Dito na inaresto ang dalawang suspek.
Nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa RA 8042 o ang “Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995.(Jocelyn Domenden)