Advertisers
SINIBAK sa puwesto ang tatlong pulis sa Zamboanga City nang mamatay sa kanilang kustodiya ang isang waiter na kanilang hinuli, na tumalon raw sa mobile car, ayon sa hepe ng Zamboanga City Police Office (ZCPO).
Ito ang kinumpirma ni ZCPO Director, Colonel Alexander Lorenzo.
Sadyang hindi muna pinangalanan ni Lorenzo ang tatlong pulis na nakatalaga sa Sangali Police Station 3 habang gumugulong ang imbestigasyon.
Bukod dito, iniimbestigahan na rin ng Ragional Internal Affairs Service at ng Commission on Human Rights, Zamboanga City ang pagkamatay ng waiter na si Reynalod Paragas Jr., binata, residente ng nasabing lungsod.
Sa ulat, Hunyo 4 ng gabi nang maganap ang insidente sa restobar na pinagsisilbihan ni Paragas nang magkaroon ng mainitang pagtatalo na nauwi sa suntukan nina Paragas at ng isang retired Major ng Philippine National Police na kinilala lang sa apelyidong Cuatrocruz.
Si Cuatrocruz na isang stroke victim ay pinagbawalan nang uminom ng beer, ngunit pilit na umoorder ng alak kay Paragas. Nang hindi bigyan ng waiter ay nagtalo ang dalawa.
Dito rumesponde ang mga tauhan ng Sangali Police Station 3 ng ZCPO. Dinala si Paragas sa presinto.
Ilang minuto lang ay iniulat ng tatlong pulis na tumalon umano sa kanilang mobile patrol si Paragas na ikinamatay nito.
Hindi kumbinsido ang pamilya ng biktima kaya isinailalim sa awtopsiya ang bangkay ng waiter.