Advertisers

Advertisers

4 miembro ng ‘termite gang’ huli sa Pampanga

0 196

Advertisers

NAARESTO ang apat na miyembro ng “termite gang” sa San Matias, Guagua, Pampanga, Sabado ng gabi.

Sa CCTV footage na kuha sa opisina ng isang mall, huli sa akto ang dalawang lalaki na naglalagay ng mga pera sa bag at plastik sa isang establisimyento.

Ilang saglit pa nagtago ang isa sa mga lalaki sa likod ng vault na kanilang kinukuhanan ng pera habang ang isa ay dumapa nalang sa sahig.



Ito’y matapos nilang marinig ang pagdating ng mga awtoridad, na kaagad silang inaresto.

Ayon sa hepe ng Guagua Municipal Police Station, nagkataong malapit na nagpapatrolya ang kanilang tauhan sa naturang lugar nang humingi ng saklolo ang isang security guard.



“‘Yung dalawa po naglalagay na ng pera sa bag dahil nabuksan na po nila ‘yung vault… so caught in the act ang ginagawa nilang pagnanakaw doon mismo sa nasabing establishment,” ani P/Lt. Col. German Pascua II.

Kasabay nito, naaresto rin ang dalawa pang kasama ng mga magnanakaw na naghihintay sa isang pulang AUV na gagamitin sanang getaway vehicle ng grupo.



Nakuha sa grupo ang hydraulic jacks, steel saw, at steel bars na pinaniniwalaang ginamit sa paghuhukay para makapasok sa mall.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, mula sa bakanteng lote sa likuran ng mall naghukay ang grupo ng tunnel para isagawa ang krimen.

Dagdag ni Pascua, mayroon din silang narekober na resibo kungsaan bumili ng hanger ang mga magnanakaw na maaaring ginawa para pag-aralan kung paano lolooban ang establisimyento.

“Doon po nila pinlano kung saan talaga gagawa ng paraan para butasan ang magiging point of entry and exit po nila… mga more or less sa pagitan ng bakod at establishment, naghukay po sila ng around 15 meters at naisakatuparan nila yung pagpasok… tinake advantage nila ‘yung maulan na panahon para hindi po masyadong mamonitor,” ani Pascua.

Mga miyembro rin umano ng termite gang ang apat na nahuli noong ika-3 linggo ng Hunyo, na nakapambiktima rin sa San Jose Del Monte.

Kabilang din sa mga narekober ang P173,350 na kita ng mall.