Advertisers
BAGUIO CITY — Pinangunahan ni Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority o TIEZA Chief Operating Officer Mark Lapid ang muling pagbubukas ng iconic na Burnham Lake sa Baguio City ngayong Setyembre 1, matapos ang halos isang taong pagsasara nito para sa rehabilitation.
Kasabay ng reopening ang pagdiriwang ng 117th Charter Day ng Baguio City, na nagmamarka sa pagbabalik ng isa sa mga pinakapopular na tourist attraction ng lungsod.
Dumalo rin sa maikling ngunit makahulugang seremonya ang ilang opisyal ng lungsod at turismo, kabilang sina Congressman Mauricio Domogan, Mayor Benjamin Magalong, at Department of Tourism-Cordillera Administrative Region Regional Director Jovita A. Ganongan.
Isinagawa ang rehabilitation ng Burnham Lake mula sa pondo ng TIEZA at pakikipagtulungan ng City Government of Baguio, kung saan isinailalim sa improvement ang iba’t ibang pasilidad at mga lugar sa paligid ng lawa.
Ang rehabilitasyon ng Burmham Lake kung saan kabilang dito ang pagpapahusay sa docking at boarding areas, mga pasilidad sa gilid ng lawa, strucktural improvements at landscaping ay kasama sa first phase sa pagsasaayos ng Burnham Park.
Ang second phase naman ng proyekto ay ang pagsasaayos ng Children’s Park at Rose Garden. Aayusin din ang mga ito upang mapabuti at maging mas ligtas ang karanasan ng mga residente at turista.
Ang paglahok ni Lapid sa reopening ay nagpapakita ng suporta ng TIEZA sa pagpapaunlad ng tourism infrastructure sa Baguio City at sa pagsasaayos ng isa sa mga pinakakilalang tourist attractions ng lungsod.
Sa kabila ng mga pag-ulan na nararanasan sa Baguio nitong mga nakaraang linggo, nagsisilbing bagong simula ang muling pagbubukas ng Burnham Lake at ng makasaysayang Burnham Park.
Sa loob ng maraming dekada, naging paboritong puntahan ang Burnham Lake ng mga pamilya, turista at lokal na residente upang mamasyal, magrelaks at maranasan ang malamig na klima ng Baguio.
Ngayon, muling napuno ng tubig ang lawa at nagbalik na rin ang mga bangka, hudyat na handa nang muling tanggapin ng Burnham Lake ang mga bisita bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng turismo sa Baguio City.





