Advertisers
ARESTADO ang isang babaeng wanted sa mahigit 10 kaso kaugnay ng pagiging tagahawak ng pondo para sa rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Kalamansig, Sultan Kudarat nitong Sabado, July 1, 2023.
Kinilala ang nadakip na si Aileen Manipol Villarosa, 41 anyos.
Sa report, dinala si Villarosa ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group sa Cagayan de Oro City kungsaan ito lilitisin kaugnay ng mga kasong kinakaharap.
Kinumpirma nitong July 3 ni Brigadier General Jimili Macaraeg, director ng Police Regional Office-12, ang pagkakaaresto kay Villarosa sa Barangay Poblacion sa Kalamansig.
Sa Kalamansig nagpalipat-lipat ng taguan si Villarosa nang masampahan ng mga kasong kriminal sa iba’t ibang korte sa Northern Mindanao kaugnay ng kanyang diumano’y pangangalap ng pondong pantustos sa pangangailangan ng iba’t ibang grupo ng NPA sa probinsya.
Natunton sa Kalamansig si Villarosa sa tulong ng mga residenteng nakilala siya at nalamang may mga kasong kinakaharap sa iba’t ibang korte sa Region 10.
Dating empleyada si Villarosa ng isang non-government organization, ang Rural Missionaries of the Philippines, na may mga humanitarian projects sa Region 10.
Ayon sa ulat, ginamit ni Villarosa ang naturang NGO sa pag-solicit ng perang kanyang ipinapasa sa mga NPA.