Advertisers
UMAPELA si Senadora Grace Poe sa mga awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon at papanagutin ang may sala paglubog ng isang bangka sa Laguna de Bay sa Binangonan, Rizal.
Si Poe, chairman ng Senate committees on Economic Affairs at Public Services, ay nagpahayag din ng kahandaan na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa naturang trahedya.
“Ako rin ay nagbabalak ng pagdinig dito para malaman ang nangyari. Hindi biro ang dami ng pagkawala ng buhay, na walang saysay ang dahilan. Dahil ba sa kapabayaan? Sa pangungurakot? Hindi natin alam eh,” wika ni Poe.
“Kaya nakakagalit at nakakalungkot ang nangyaring ito. Hindi dapat i-relieve o paalisin sa pwesto ang mga yon. Dapat ay kasuhan,” sabi ng senadora.
“Kasi okay lang sige tanggal tayo sa trabaho ngayon pero makakahanap tayo ng ibang trabaho na walang repercussion,” saad pa niya.
Ani Poe, dapat din siyasatin kung bakit pinayagan ng Philippine Coast Guard (PCG) na maglayag ang bangka sa kabila ng malakas na hangin at ulan dulot ng bagyong Egay.
Kailangan din hingan ng paliwanag ang ang may-ari ng bangka at PCG kung bakit lumagpas sa pinapayagang kapasidad ang mga pasahero ng bangka, gayundin ang kawalan ng life vest para sa mga pasahero.
Iniulat ng PCG na 27 pasahero ang nasawi sa bangka na overload. May capacity na 45 pero nagsakay ng 70 pasahero, at ang nakalagay lang sa manifesto ay 22 pasahero. (Mylene Alfonso)