Advertisers

Advertisers

PARUSAHAN MGA PALPAK NA TELCOS AT, ANYARE SA SENATE BILL 2074 NI SEN. JINGGOY?

0 154

Advertisers

ILANG ulit na po nating tinalakay sa mga nakaraang kolum ko ang mga kapalpakan at maraming criminal acts na ginagawa ng telecommunications company pero hanggang ngayon ay hindi sila naparurusahan.

Halimbawa, nag-load ka ng Php 100 ng prepaid SIM mo, ilang txt lang, wala na, “ninakaw” na.

Nagbayad ka ng internet service, madalas, wala o mahina ang signal, perwisyo sa negosyo, sa trabaho ang resulta nito.



Noon, nagbenta sila ng kung ano-anong gadget tulad ng pocket wifi, wala ring nangyari, nagastusan ka na, naaburido ka pa.

Kung ikaw ay naka-postpaid, di ka lang nakabayad ng ilang linggo, putol na agad ang serbisyo mo, panay pa ang kuda ng telco na magbayad ka at may mga sulat pang nananakot na idedemanda ka.



Ganyan katapang ang Smart Telco, Globe Telco at Dito sa customer nila, pero put$#@^%?@! pag palpak ang serbisyo nila, ni kapirasong sorry o refund wala kang matatanggap sa mga hinayupak.

Maging ang ilang independent internet provider tulad ng Converge, Verizon, Singtel, Tata Communications, Sprint, Telstar at iba pa, di sulit ang ibinabayad sa serbisyong superbagal na internet speed ng mga telcos na ito.



Di po ba, kapag may serbisyo kang binayaran na hindi mo naman natanggap, ano ang krimeng nagagawa nito, magagaling na abogado, di po ba estafa ito?

Sa estafa, ang parusa ay dapat ibalik ang pera na ibinayad sa binili o serbisyong di naman natanggap o hindi mahusay na naibigay sa customer.

E, ganito po ang ginagawa ng mga telcos na ito, dear readers.

Ating hinahamon ang mga bar topnotchers natin na magsampa ng kasong estafa laban sa mga telcos perwisyo ang serbisyo sa bayan.

Dito masusubok ang husay nyo sa batas para protektahan ang interes ng mamamayang Pilipino.

Pag karaniwang “estapador” ay kaybibilis magdemanda ang mahuhusay nating attorney-at-law.

Kilos na kayo, magagaling na barristers, magagaling na kongresista at senador, pwede kaya na magsampa ng kasong estapa versus palpak na serbisyo ng mga telcos?
***
Anyare na po sa isinampang Senate Bill (SB) 2074 ni Sen. Jinggoy Estrada?

Sa isinampang bill na ito ni Sen. Jinggoy – na kung magiging batas, uutusan, oobligahin ang mga internet service providers na agad-agad, i-refund ang nawalang load, di naibigay na serbisyo paputol-putol, kukurap-kurap at makupad na serbisyo ng kanilang postpaid at prepaid subscribers.

Sa katugong House Bill (HB) 7479 na ang panukala, multang Php 1 million a day (o Php365-m) sa telcos na laging palpak ang kanilang serbisyo.

Di sana mangyayari ang ganitong kabulok na serbisyo kung nagtatrabaho itong ating Philippine Competition Commission (PCC) na ang mandato, protektahan ang publiko sa mga abusadong kompanya na laging palpak ang serbisyo.

Isa pa itong PCC na ito ang dapat sisihin sa kainutilang obligahin ang mga tulad ng Smart, Globe at Dito na magserbisyo nang matino sa mamamayang Pilipino.

Kaya, maraming salamat kay Makati Rep. Luis Campos Jr. sa iyong panukala na sasagot sa matagal nang perwisyong inaabot natin sa napakainutil na serbisyo ng telcos na Smart, Globe at iba pa.

Daming foreign investor ang nangako kay Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na magtatayo sila ng negosyo sa atin, kung ganyang kamahal na, superbagal pa ang internet service sa atin, idagdag pa ang supermahal na koryente at tubig!

Sa 10 ASEAN countries, ikalawang kulelat sa internet speed ang Pilipinas sa 18.94 megabytes per second (Mbps).

Nais amyendahan ng dalawalang panukalang batas ang Section 20 of the Public Telecommunications Policy Act of the Philippines na obligahin na bigyan ng refund credit ang isang customer na di naserbisyuhan sa loob ng 24 oras o higit pa sa loob ng isang buwan.

Tama ang sabi ni Sen. Jinggoy, bakit nga magbabayad at sisingilin tayo sa serbisyong di natin natanggap.

Isang human rights na itong digital services, hindi na ito kapritso, kaya sabi ni Sen. Estrada, mahalaga na magbigay ng mabilis, maaasahan at tiyak na internet connection ang mamamayang Pilipino.

Dapat, sabi niya, ang connection services ay laging “regular, reliable, consistent, uninterrupted, and fast to allow continuity of activities and interconnection among different users.”

Sabi ni Rep. Campos itong National Telecommunication Commission (NTC) ay dapat ding masipag na magpatupad ng parusa sa mga telcos na lumalabag sa kanilang prangkisa.

I-penalize, sabi ni Campos kung mabigong magbigay ng mahusay, maasahan at mabilis na serbisyo.

Pero bakit daw pag tinakot na pasasabugin ang kanilang tower, ay kaybilis magbigay ng ‘revolutionary tax’ o suhol ang mga telcos sa mga rebeldeng komunista.

‘Yan pa ang isang dahilan kaya supermahal ang singil sa ating digital services ng mga telcos, aba sa atin binabawi ang milyones na suhol nila sa mga terrorista.

Di krimen itong ‘aiding and abetting’ ang pagbibigay ng ‘revolutionary tax’ sa mga rebelde, tama po ba ako, Sen. Koko Pimentel?

Kaya naitatanong natin, bakit wala tayong nabalitaan na isang kaso ang naisampa ng Department of Justice (DOJ), PNP o ang Office of the Solicitor General (OSG) laban sa mga telcos na nagbibigay suhol sa mga NPA at komunista?

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.