Advertisers
UMAKYAT sa 19 ang bilang ng mga nasawi sa mga Pilipino sa malagim na wildfire sa Maui, Hawaii, pagkumpirma ng mga lokal na awtoridad.
Natukoy ng mga eksperto sa forensic ang lima pang nasawi sa pamamagitan ng mga sample ng DNA na ibinigay ng mga kamag-anak sa Federal Bureau of Investigation.
Ang limang bagong kinilalang biktima ay sina Leticia Constantino, 56 anyos, mula Caoayan, Ilocos Sur; Raffy Imperial, 63, mula sa Naga City, Camarines Sur; Bibiana Tomboc Lutrania, 58, mula sa Pangasinan; Maurice Buen, kilala rin bilang “Shadow”, mula sa Ilocos; at Marilou Dias, 60, mula sa Hinunangan, Southern Leyte.
Samantala, hindi parin nakikilala ang anak ni Constantino na si Allen at ang ina ni Lutrania na si Revelina Tomboc.
Sa limang bagong biktima, tanging si Lutrania ang may makukuhang impormasyon mula sa Philippine Consulate General Office sa Honolulu. Huli siyang nag-renew ng kanyang Philippine passport 2015, at walang impormasyong nagmumungkahi na siya ay naging American citizen.
Nasa 19 na ngayon ang kabuuang bilang ng mga Pilipino at Filipino-American na nasawi sa wildfire.
Hindi naman bababa sa 11 pang Filipino at Filipino-American na indibidwal ang nawawala pa. Ang kanilang mga pangalan ay kasama rin sa listahan ng hindi na-account-for na inilabas ng Maui Police Department.
Patuloy na hinihimok ng Maui Police Department (MPD) ang publiko na iulat ang sinumang nawawalang miyembro ng pamilya.