Advertisers

Advertisers

KAPAKANAN NG PINOY AT KABUTIHAN NG PINAS ANG INUUNA LAGI NI PBBM

0 82

Advertisers

BAKIT raw galit na galit ang inyong abang lingkod sa bansang China at mga pekeng Pinoy na dito na naririnahan sa Pinas?

Kung ipagtanggol ko raw ang mga kapanalig (allies) ng ating bansa partikukar ang United States of America (USA) ay wagas at dalisay.

Bakit ko nga ba ipinagtatanggol ang Amerika?



Di ba dear readers kamakailan ay inilathala ko sa pitak na ito na matatag ang relasyon ng Pilipinas at US, lalo na sa larangan ng seguridad at ekonomya.

Pinaigting ang matatag na relasyon nang bumisita si Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa White House kamakaikan lamang kung saan sa limang araw na official visit ni PBBM sa US ay tiniyak ni President Joe Biden na ang malakas na puwersa ng navy at militar nito ay nasa likod ng Pilipinas sakaling lumala ang tensyon or threat sa pagitan ng Pinas at China.



Sinugurado ng White House sakali, sakali lang naman na tumaas ang tensyon at may bantang pananakop o external threat sa ating bansa, ang malakas na puwersa ng navy at militar ng US ay nakahanda at sigurado nasa likod ng Pilipinas.

‘Yung mga kritiko na nagsasabi na ‘inaapuyan’ ng US ang iringan sa South China Sea (tawag natin ay West Philippine Sea) ay mali, kasi malinaw, ang China na kaibigan daw natin ang nambu-bully at kita naman ang itinayong military and naval bases nito sa Spratlys na ito ay sakop ng ating exclusive economic zone at sovereignty rights natin.



Sobrang dami na ang protesta natin kontra China pero hindi naman nila iniintindi. Kulang sa 500 diplomatic protest na ating isinampa dahil sa lantarang panggigipit nila sa ating sea patrol vessels at sa ating Pinoy fisherman at ang katwiran nila, ang teritoryo ay “kanila.”

Hindi pa kasali ang pagbabalewala ng China sa naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague na ibinasura ang pag-angkin sa teritoryo, base sa 9-dash line.

Hindi sila makuha sa maayos na usapan, kaya tama ang ginawa ni PBBM na payagan ang dagdag na enhance defense cooperation agreement (EDCA) sites nang sa gayon ay magkasamang mabantayan ng sundalong Amerikano at Pilipino ang ating teritoryo sa WPS.

Pandepensa lamang ang EDCA, at wala itong layunin na “umatake” gaya ng fake news at misinformation ng mga anti-PBMM, e ano kung di naman kumilos si Marcos para humingi ng tulong, sasabihin, siya ay ‘weak’ at ngayong nagpapakita ng tapang, sasabihin naman, isinusubo tayo sa giyera.

E ano ang gagawin ng ating Pangulo, wag na lang kumibo, manahimik na lang?

***

Isa pa, noong andun sa US si Pangulong Marcos ay nakakuha siya sa mga negosyanteng Amerikano ng US$1.3 billion (PHP71.8 billion) na halaga ng pangakong investment kung saan ay makapagbibigay ng 6,700 bagong trabaho sa mga Filipino. Balita ko ayon sa Department of Trade (DTI) e dumadagsa na ang ilang investor from US, Japan etc., di nga lang naibabalita.

Kung sakali ito ay makapagbibigay ng mahigit pa sa 200,000 oportunidad sa hanapbuhay.

Nabanggit na ang investment pledges na ito ay sa larangan ng komersiyo, renewable energy, data center, 4-commerce, broadband technology, malawakang pabahay, health, clean energy at pagsasamoderno ng ating agrikultura.

***

Kamakaikan lamang ay isang kompanya ng barko ang nagpoproseso na ng aplikasyon para kumuha ng Pinoy seafarer kasi, billib sila sa husay, sipag at propesyonalismo ng ating marino.

Isang nagngangalang John Padget, president at CEO ng Carnival Cruise ay handang mag-empleyo ng 76,000 Pinoy seamen na marami ay naglalakbay sa Caribbean at sa Bahamas.

Hindi lang yan dear readers, magtutulungan din ang US at Pilipinas tungkol sa problema sa climate change at pagtatayo ng mga pabrika ng bakal at baterya ngayon na uso na ang paggamit ng electric car at ipa pang teknolohiyang umiiwas sa paggamit ng petrolyo.

Kailangan na ngang maumpisahan ang tinatawag na clean technologies, at ang industriyang umaasa sa cobalt at nickel na napakayaman natin sa mineral na ito.

Isipin ang maraming trabaho at hanapbuhay na malilikha ng mga investment na ito sa atin, lalo na ngayon ang lahat ay problemado sa matataas na bilihin na dulot ng inflation, walang puknat na pagtaas ng oil, etc. atsaka babahagya pa lamang tayo nakakabangon sa perwisyo ng pandemyang COVID-19.

***

Iba pang tulong na mula sa gobyerno ng US ay ang planong pagsasagawa ng Inflation Reduction Act para maumpisahan na ang pagtatayo ng battery production na may kinalaman sa “National Blueprint for Lithium Batteries.”

Para maresolba ang mataas na singil sa elektrisidad at ang madalas na kakulangan sa power, pinag-usapan din sa White House visit ni PBBM ang pagtatayo ng maliliit na nuclear power plant at mapalakas ang ating nuclear techonology.

At pinag-usapan rin kung paano magtutulungan para mapangalagaan ang likas na kayamanan ng Pilipinas, ang ating mayamang karagatan at mapanatili ang coastal at marine ecosystems.

“This will aid us as we establish our own geospatial database and equip us to move towards strengthening science-based policy-making in our country,” paliwanag ni Marcos.

***

Mapapansin, madalas na naman ang ginagawang pambu-bully ng China sa atin kaya ang pagkapit natin sa Mutual Defense Treaty ay isang kasiguruhan ng handang pagtulong ng US kasama na ang pinaigting na EDCA sites sakaling lumala ang threat e nariyan ang US na siguradong tutulong sa ating depensa kung may mangyaring kaguluhan o bantang pananakop.

Makikita ngayon kung sino ba talaga ang ating kaibigan at kung sino ang nagkukunwaring kaibigan.

Pero, maliwanag naman ang sinabi ni PBBM, hindi naman sa ayaw niya sa China, katunayan maraming kasunduan sa impraestruktura, negosyo at iba pa na patuloy na umiiral.

Tanging ang nais ng ating Pangulo, irespeto ng China ang ating teritoryo.

Tandaan na hindi lang totoo ang sinasabing “Might is always right.”

Nais nga ni Marcos, ang anomang problema ay mapag-uusapan naman sa diplomasyang paraan, at ito ay kanya pa ring ipinupursige, pagkat anomang gusto, mapag-uusapan nang maayos.

Nagtitiwala tayo na lahat ng ginagawa ni Pangulong Marcos ay para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino, at tinutupad niya ang sinumpaang tungkulin na itataguyod sa lahat ng panahon ang interes ng ating bayan, ang kabutihan ng Pilipinas.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.