Advertisers
SINISILIP ngayon ng Mandaluyong City Police kung may kinalaman ang personal na galit sa pagpaslang sa isang opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office nitong Huwebes ng hapon, Hulyo 30.
Si PCSO Board secretary Wesley Barayuga ay pinagbabaril sa loob ng kaniyang sasakyan. Nasugatan din ang kanyang driver sa insidente.
Ayon kay Mandaluyong Police chief Col. Hector Grijaldo Jr, may mga gambling operator na naghain ng kaso laban kay Barayuga.
“May mga aprubado at hindi aprubadong prangkisa doon sa mga gambling operation na, ‘yung may authority na pino-provide po ng PCSO. Mayroon pong mga gambling operator na nag-file ng kaso batay sa impormasyon na nakuha namin,” ani Grijaldo.
Bumuo rin ang Mandaluyong Police ng special investigation task group na tututok sa kaso na tinawag na “SITG Barayuga.”
Ang SITG Barayuga ay makikipag-ugnayan ito sa National Bureau of Investigation at iba pang ahensiya ng pamahalaan para maresolba ang insidente.
Retiradong pulis si Barayuga at naging Iloilo Police director. Humawak din siya ng posisyon sa Camp Crame.(PTF team)