Advertisers

Advertisers

4 MOTIBO SA PAGPATAY SA BRODKASTER

0 23

Advertisers

APAT ang motibo na sinisilip ng mga awtoridad sa pagpatay sa brodkaster na si Juan Jumalon sa Misamis Occidental noong Linggo.

Ayon kay Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) executive director Paul Gutierrez, hindi pa lubusang sinabi sa kanya ng mga awtoridad ang detalye sa sinisilip nilang mga motibo dahil kasalukuyan pa silang nagsasagawa ng case build up.

Sinabi ni Gutierrez, may kinalaman ito sa personal na alitan, away sa lupa, trabaho at politika.



“Unang-una ‘yung kanya pong pagiging broadcaster mukha pong lumi-lead na work-related ito,” wika ni Gutierrez.

Aniya, hindi rin isinasantabi ang anggulong may kinalaman sa away sa lupa dahil nakarating pa ito sa korte.



“Meron din pong anggulo na tinitingnan na related sa katatapos na BSKE (Barangay and Sangguniang Kabataan Election),” dagdag nito.

Sinabi pa ni Gutierrez, na inirekomenda rin nila sa mga imbestigador na rebyuhin ang mga nagdaang episode ng mga programa ng biktima kahit sinabi ng mga kasamahan ng huli na hindi naman ito birador na komentarista na marami ang nagagalit.



May mga kopya na ng footage ng CCTV sa loob ng bahay ng biktima ang pulisya.

Nauna nang sinabi ni Calamba Municipal Police Station officer-in-charge Captain Diore Libre Ragonio na mayroon na silang tatlong ‘person of interest’, kabilang ang gunman at lookout.

Samantala, nag-alok ng P100,000 na pabuya ang PTFoMS para sa makapagbibigay ng impormasyon sa mga responsable sa pagpatay kay Jumalon, mas kilala sa “Johnny Walker”.

Ayon kay Usec Gutierrez, makakatulong ang alok na pabuya upang mapabilis ang pagtukoy sa mga nasa likod ng pagpatay kay Jumalon at kung ano ang motibo sa pagpatay sa biktima.

Agad nilinaw ni Gutierrez na hindi galing sa gobyerno ang pabuya kundi galing sa isang pribadong indibidwal na tumutulong sa PTFoMS.