Advertisers
IDINEKLARA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 2023 hanggang 2033 bilang “Dekada ng Kasaysayan ng Pilipinas.”
Ayon kay Presidential Communications Office Sec. Cheloy Garafil, ito’y bahagi ng mga pagsisikap ng administrasyon na patatagin ang nasyonalismo ng mga Pilipino, respeto sa mga bayani, at ‘pride’ sa mga tagumpay ng sambayanan.
Sa Proclamation No. 396 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, inatasan ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) na pangunahan at pangasiwaan ang pagdiriwang na ito.
Maliban dito, ipinag-utos din ng Pangulo sa NHCP na tukuyin ang mga programa, proyekto, at aktibidad para sa selebrasyon ng ‘Dekada’.
Sinabi ni Garafil na nakatakda ring magdiwang ng kanilang ika-100 anibersaryo ang NHCP na dating Philippine Historical Research and Markers Committee (PHRMC).
Kasabay nito, hinihikayat din ang publiko na makilahok sa pagsisikap at magbigay ng kinakailangang suporta at tulong sa NHCP, at aktibong makilahok sa pagdiriwang ng ‘Dekada ng Kasaysayan ng Pilipinas’. (Gilbert Perdez)